Pasay City target ng mga iligal
Bakit tila madalas na sa Pasay City nabubuking ang mga illegal activities ng mga sindikato. Maluwag nga lang ba ang mga awtoridad o lubhang magagaling lang ang mga sindikato na humanap ng lugar sa lungsod?
Ngayon buwan lamang dalawang parcel scam hub ang nabuking. Isa noong Nobyembre 3 kung saan nasa 166 na mga dayuhan na kinabibilangan ng 138 Indonesians, 16 Vietnamese, 10 Chinese, at 2 Malaysians ang nadiskubreng nag-o-operate sa KE Tower Building sa Cuneta Ave.
Nakitaan pa ng mga police at military uniform ang gusali gayundin ng mga tauhang nagpapanggap na mga pulis.
Makaraan ang dalawang linggo, panibagong parcel scam hub na naman ang nabuking ng mga pulis.
Nasa 18 dayuhan ang naaresto sa isang establisimyento sa lungsod. Nakita ang mga Japanese police uniform at insignia na pinaniniwalaang ginagamit na panakot ng mga lokong ito.
Pero hindi lang parcel scam hub ang illegal activities na ginagawa sa lungsod. Meron ding drug smuggling, crypto, love scam at human trafficking.
Sa ilang report ang pagkakaroon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), mga bodega, at mga pasilidad ng koreo tulad ng Central Mail Exchange Center sa kahabaan ng Domestic Road ay maaaring magamit sa pagpupuslit ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.
Hindi rin maaaring isantabi ang maraming malalaking establisimyento, hotel, at gusaling opisina ay maaaring magsilbing taguan o pantakip sa mga ilegal na gawain ng mga organisadong grupo, kabilang ang pandaraya gamit ang internet at mga scam operation.
Pero sino nga ba ang may responsibilidad upang maiwasan ang mga ito? Sa Pasay LGU dapat na alam nila ang mga nagtatayo ng negosyo dahil kukuha ang mga ito ng permit. Bakit may nakakalusot?
Sa PNP patuloy na paigtingin ang kanilang monitoring para hindi malusutan ng mga sindikato ang Pinas para makapanloko.
Huwag sanang hayaan ng mga awtoridad na mamayagpag ang mga modus ng mga dayuhan.
- Latest















