Mimi, OFW: biktima ng trafficking sa Britain
Isang halimbawa ng human trafficking at human slavery ang karanasan ng 50-anyos na Pilipinang domestic helper na si Mimi Jalmasco sa pangi-
ngibang-bansa. College graduate siya sa Maynila (nagtapos siya ng computer secretarial at midwifery) pero, nang magkapag-asawa siya at magkaroon ng tatlong anak, nagpasya siyang magtrabaho bilang domestic worker sa Middle East para masuportahan ang kanyang pamilya.
Habang isinusulat ito, nagtatrabaho si Mimi sa ibang employer bilang yaya at housekeeper sa Hackney sa London habang naghihintay na maaprubahan ang aplikasyon niya para sa asylum doon. Nabatid sa Tinig UK na kasalukuyan siyang Deputy Director ng The Voice of Domestic Workers, isang organisasyon na sumusuporta sa mga dayuhang katulong sa Britain na nabiktima ng pang-aabuso, trafficking at modern slavery.
Sa kuwento niya sa The I Paper at Tinig UK, noong 2013, ipinadala siya ng inaplayan niyang ahensiya sa Dubai, United Arab Emirates para magtrabahong domestic worker sa isang pamilya roon. Pinangakuan siya ng buwanang suweldo na $400.
Nang una siyang dumating sa Dubai, kinuha ng kanyang employer sa pamamagitan ng driver nito ang kanyang passport bago siya dinala sa isang bahay. Apat na araw siyang ikinulong doon kasama ang ibang domestic worker habang hinihintay na dumating mula sa London ang kanilang mga amo. Inilipat sila sa isang mansion nang dumating ang employer. Sa mansion na ito, hindi siya pinapayagang makalabas o makipag-usap sa mga hardinero o sa mga guwardiya, kinumpiska ang kanyang cellphone at pinalitan ito ng maliit na Nokia phone para matawagan siya ng kanyang among babae. Pahirapan ang pagtawag niya at pagpapadala ng pera sa kanyang pamilya.
Alas-sais pa lang ng umaga ay naglilinis siya ng kuwarto at nag-aayos ng mga damit ng dalawang tinedyer. Alas-onse na siya nakakapag-almusal pagkakain ng pamilya. Makakapananghalian siya pagdating ng alas-6:00 ng gabi at hapunan bandang hatinggabi. Puro tirang pagkain ang kanyang kinakain at wala silang makakain kapag lumalabas ang pamilya.
Bawal tingnan sa mukha ang mga miyembro ng pamilya. Binabawasan ang suweldo niya sa bawat pagkakamali. May pagkakataong hindi siya pinasahod kaya wala siyang naipadalang pera sa Pilipinas.
Noong 2014, isinama siya ng employer sa Britain. Siya at ang ibang kasambahay ay pinatutuloy sa isang bahay sa Ascot. Sa loob ng dalawang linggo, tuwing umaga, sinusundo sila para manilbihan sa pamilya sa London bago sila pababalikin sa Ascot sa gabi. Isang araw, gusto siyang kausapin ng ina ng pamilya habang kumakain ito. Nakatingin lang siya sa sahig. Kinabukasan, nagkasakit ito sa food poisoning at pinagbintangan siya nitong bruha. Binalaan siya na pagbabayarin siya pagbalik nila sa Dubai.
Tumakas siya kinalaunan sa kanyang amo sa tulong ng ilang kaibigan kahit wala siyang kapera-pera at passport. Kinanlong siya ng Voice of Domestic Workers. Undocumented siya kaya hindi siya puwedeng magtrabaho at nabuhay lang siya sa £5 na tinatanggap niyang tulong mula sa pamahalaan kada araw.
Tatlong taon siyang hindi nakapagpadala ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Nakapagtrabaho lang siyang muli nang mabigyan siya ng two-year non-renewable at non-extendable na domestic worker visa noong 2019. Nang mapaso ang kanyang visa noong 2021, nag-apply siya ng asylum sa pamahalaan ng UK na inaasahan niya na kung maaaprubahan ay makakasama na niyang muli ang kanyang mga anak bagaman sinasabing aabutin pa ito ng maraming taon.
Pinakamalaking hamon na nakaharap niya sa buhay ang mabiktima ng modern slavery at trafficking sa UK pero hindi siya sumuko. “Tinutukan kong ayusin ang sarili ko, magsanay ng bagong mga kaalaman, at makisangkot sa aking komunidad sa pamamagitan ng The Voice of Domestic Workers. Pinanatili siya nitong malakas, may kumpiyansa, at direksiyon sa buhay. Ginagamit niya ang kanyang boses para sa mga naaapi at naabusong domestic workers sa UK.
* * * * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















