^

PSN Opinyon

Linis-Asean, pero pag-alis nila?

ORA MISMO - Butch Quejada - Pilipino Star Ngayon

Habang papalapit ang 49th ASEAN Summit, abala ang Parañaque City Government sa paglilinis at pagsasaayos ng mga lugar na daraanan ng mga delegado. Kabilang dito ang Baclaran, Roxas Boulevard, service road, Redemptorist Road hanggang Quirino Avenue, at mga lugar sa ilalim ng LRT.

Mula Nobyembre 2 hanggang 20, 2026, pansamantalang ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga ambulant vendor sa mga nasabing lugar. Inaalis din ang mga ilegal na terminal at hindi awtorisadong hintuan ng mga pampublikong sasakyan. Ayon sa lungsod, bahagi ito ng paghahanda para maging malinis at maayos ang paligid sa panahon ng summit.

Pero teka muna. Para kanino ba talaga ang ganitong pagli­linis? Para sa kapakanan ng mga taga-Parañaque at ordinaryong mama­mayan, o para lang gumanda ang tanawin kapag dumaan ang mga bisitang dayuhan? Kailangan ang maayos na kalsada at ligtas na daanan, pero bakit tila kailangang may malaking pagtitipon muna bago maging ganito kaigting ang pagpapatupad?

Huwag ding kalimutan ang mga tindero. Para sa kanila, hindi dekorasyon ang puwesto kundi pinagkukunan ng pang-araw-araw na kita. Bawat araw na hindi sila makapagtinda ay bawas sa pambili ng pagkain at pambayad sa mga bayarin. Pansaman­tala man ang pagbabawal, hindi naman pansamantala ang ka­nilang pangangailangan.

Nilinaw ng city government na maaari silang makabalik pag­ka­tapos ng summit basta maayos ang kanilang operasyon. Nag­hihintay rin ang pagkumpleto ng Baclaran Gateway Market bilang perma­nenteng puwesto para sa mga vendor. Magandang hak­bang ito kung masisiguro ang sapat at abot-kayang puwesto. Ga­yundin, dapat may malinaw na alternatibong sakayan at babaan para hindi maging dagdag-pahirap sa mga manggagawa, estudyante at ordinaryong commuter ang pag-aalis ng mga terminal.

At pagkatapos ng Nobyembre 20, ano na? Babalik ba sa dating kalakaran ang mga terminal at pagtitinda? Kung oo, para bang naglinis lang tayo dahil may bisitang darating—pagkaalis nila, balik na naman sa dati.

Ang tunay na sukatan ng kaayusan ay hindi ang ganda ng Baclaran sa mata ng mga delegado, kundi ang maayos na pamumuhay ng mga taong naroon araw-araw. Kailangan ang tuluy-tuloy na pagpapatupad ng patakaran, maayos na transportasyon at solusyong hindi basta nag-aalis ng kabuhayan.

ASEAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with