Gilas minasaker Kazakhs sa Asiad

MANILA, Philippines — Pinatumba ng nagdedepensang Gilas Pilipinas ang Kazakhstan, 109-78, para palakasin ang pag-asa sa quarterfinals ng 20th Asian Games men’s basketball tournament kahapon sa Aichi International Arena sa Nagoya, Japan.
Humataw si Jerrick Ahanmisi ng team-high 22 points tampok ang pitong three-point shots, habang may 20 markers si Robert Bolick kasama ang apat na tres para sa 1-1 kartada ng Nationals sa Group C.
Bumalikwas ang Gilas Pilipinas mula sa naunang 85-89 kamalasan sa Bahrain noong Biyernes.
Bagsak ang mga Kazakhs sa 0-2 baraha matapos ang 61-99 pagyukod sa China kamakalawa.
Kaagad inilista ng Gilas Pilipinas ang 11-0 bentahe patungo sa pagtatayo ng isang 21-point lead, 38-17, galing sa tres ni Bolick sa 4:56 minuto ng second period.
Nakalapit ang Kazakhstan sa 58-67 sa third quarter hanggang bumida si Ahanmisi sa final canto sa pagsasalpak ng apat na sunod na tres para sa 97-74 kalamangan ng Nationals sa huling 3:24 minuto nito.
Samantala, pinulbos ng China ang Bahrain, 105-59, para sa kanilang 2-0 record papasok sa quarterfinals.
Kumamada si Liao Sanning ng 23 points para banderahan ang mga Chinese na nagmula sa 38-point demolition sa mga Kazakhs noong Biyernes.
Swak na rin sa quarterfinals ang host Japan at South Korea sa bisa ng magkatulad nilang 2-0 kartada sa Group A.
Tinalo ng mga Japanese ang Saudi Arabia, 86-80, habang pinadapa ng mga South Koreans ang Indonesia, 102-48.
- Latest


















