^

PSN Opinyon

Mga Pinoy sa Canada apat na ulit ‘lumobo’

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Ang Canada ang isa sa mga bansang may pinakamalaking komunidad ng mga Pilipino sa buong mundo. Hindi na lamang ito destinasyon ng mga overseas Filipino worker kundi isa nang bagong tahanan ng libu-libong Pilipinong naghahanap ng mas matatag na kinabukasan para sa kanilang pamilya.

Kapag nagkaroon ng pagkakataong makapunta sa Canada, karaniwan nang sinisikap ng mga Pilipino na maging permanent resident at kalaunan ay maging mamamayan ng naturang bansa. Kasunod nito ay ang pagdadala sa asawa at mga anak hanggang sa tuluyan na silang manirahan, magtrabaho, tumanda at magretiro roon. Dahil dito, patuloy ring dumarami ang mga Canadian na may dugong Pilipino.

Hindi naging madali ang paglalakbay na ito. Marami sa mga bagong dating ang kinailangang magsimula sa mabababang posisyon, mag-adjust sa klima, kultura at wika, at magsikap para matugunan ang mahigpit na rekisito ng immigration system. Gayunman, hindi naging hadlang ang mga pagsubok na ito upang maabot nila ang pangarap na magkaroon ng mas maayos na buhay.

Patuloy ding lumalaki ang komunidad ng mga Pilipino sa Canada. Ayon sa pag-aaral ng Statistics Canada na “Portrait of the Filipino populations in Canada: A Sociodemographic and Socioeconomic Analysis,” na inilabas noong Hunyo 2026, halos apat na ulit ang inilaki ng populasyon ng mga Pilipino sa loob lamang ng dalawang dekada.

Mula sa 254,195 noong 2001, umabot na sa 957,355 ang bilang ng mga Pilipino sa Canada noong 2021. Dahil sa patuloy na pagdami ng mga immigrant, tinataya ng Statistics Canada na pagsapit ng 2041 ay maaaring umabot sa 1.7 milyon hanggang 2.4 milyon ang populasyon ng mga Pilipino. Sa panahong iyon, bubuuin na nila ang 4 hanggang 4.6 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Canada at mananatili bilang ikaapat na pinakamalaking racialized population, kasunod ng mga South Asian, Chinese at Black Canadians.

Ipinakikita rin ng pag-aaral na karamihan sa mga Pilipino sa Canada ay mga ipinanganak sa ibang bansa. Noong 2021, 24.7 porsiyento lamang ang ipinanganak na sa Canada samantalang 75.3 porsiyento ang isinilang sa ibang bansa. Sa mga ipinanganak sa labas ng Canada, halos lahat o 98.2 porsiyento ay ipinanganak mismo sa Pilipinas. Ang natitirang maliit na bahagi ay isinilang sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, Saudi Arabia at United Arab Emirates.

Mahigit 76.4 porsiyento ng mga Pilipinong dumayo sa Canada mula 1980 hanggang 2021 ay tinanggap bilang economic immigrants—mga manggagawa at propesyunal. Samantala, 23.1 porsiyento ang dumating sa pamamagitan ng sponsorship ng pamilya, habang 0.2 porsiyento lamang ang tinanggap bilang refugee.

Sa mga Pilipinong economic immigrants, 42.9 porsiyento ang tinanggap bilang mga caregiver. Sa katunayan, ang mga Pilipino ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng mga dayuhang caregiver na tinanggap ng Canada sa loob ng apat na dekada.

Malayo na ang narating ng mga Pilipino sa Canada. Batay sa Census noong 1971, wala pa sa 100 ang mga Pilipino sa Canada bago sumapit ang 1931. Mula sa halos hindi mapansing komunidad noon, umabot na sila ngayon sa halos isang milyon. Sabi nga, makakakita ka ng Pinoy kahit saan sa Canada.

* * * * * * * * *

Email-[email protected]


 

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with