^

PSN Opinyon

EDITORYAL— Hindi lang laro ang problema

Pilipino Star Ngayon

NAYANIG ang bansa sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat nang marami. Mas nakagigimbal na mga menor-de-edad ang mga sangkot sa krimen.

Matapos ang trahedya, nabaling ang atensiyon sa online game na GoreBox na umano’y nilalaro ng isa sa mga suspek. Iniutos na rin ng Cybercrime Investigation and Coordina­ting Center ang pansamantalang pag-block dito habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sa unang tingin, tama na silipin ang anumang online content na maaaring nakaimpluwensiya sa kabataan. Pero hindi dapat ikulong ang usapin sa isang laro lamang. Mayroon dapat pang tingnan.

Sinisilip ng Department of Justice ang posibilidad na hindi simpleng bullying ang nasa likod ng insidente kundi mas malalim na impluwensiya mula sa mararahas na online spaces at mga grupong nagra-radicalize sa kabataan. Sa panahon ngayon, ang ilang ­gaming platforms at online communities ay hindi na basta libangan. May chat, avatars, private groups at algorithm na maaaring maglapit sa bata sa maling impluwensiya, karahasan at mapanganib na ideolohiya.

Hindi rin lamang gaming platforms ang dapat pag-usapan. Sa mga streaming apps, social media reels at maging sa ilang palabas sa telebisyon, madaling makapanood ang mga bata ng eksenang puno ng baril, patayan at paghihiganti. Hindi awtomatikong nagi­ging marahas ang isang bata dahil lamang sa napapanood niya, ngunit delikado kapag paulit-ulit na naihahain ang karahasan bilang paraan ng entertainment.

Hindi rin maaaring kalimutan ang tanong: bakit ganoon kadali magkaroon ng access sa baril ang mga menor-de-edad? Kahit gaano karahas ang nakikita online, hindi ito dapat humantong sa patayan kung walang armas na napupunta sa kamay ng bata. Dapat managot ang sinumang nagpabaya sa pag-iingat ng mga baril na ginamit sa krimen.

Mahalaga rin ang seguridad sa paaralan. Ang paaralan ay dapat ligtas na lugar para matuto, hindi lugar na kinatatakutan ng mga estudyante at guro. Kailangan ng maayos na security protocols, anti-bullying mechanisms, guidance counselors at mabilis na pagtugon sa mga senyales ng panganib.

Hindi sapat na i-block ang isang laro matapos ang trahedya. Kailangang bantayan ang lahat ng online spaces, palakasin ang paaralan, gabayan ang pamilya at suportahan ang mental health ng kabataan. Kung hindi kikilos ang lahat, mauulit ang trahedya—at muli ­nating itatanong kung bakit walang nakapigil na mangyari ito. Paulit-ulit na lang ang malalagim na pangyayari.

SAN JOSE NATIONAL HIGH SCHOOL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with