Ombudsman Remulla team, aprub sa masa!
SA panahong maraming Pilipino ang nagtatanong kung tunay bang gumagana ang ating mga institusyon, malinaw ang mensahe ng pinakahuling nationwide survey ng RPMD Foundation Inc. noong Enero 18-25, 2026: nanatiling matatag ang tiwala at masaya ang publiko sa performance ng Office of the Ombudsman.
Si Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ay nakapagtala ng 62 percent “trust rating” at 58 percent “performance rating”, na nagbunga ng 60 percent “Index of Governance” (IOG). Para sa isang tanggapan na may tungkuling panagutin ang mga makapangyarihan, malinaw ang bigat ng mensaheng ito—kinikilala ng publiko ang seryosong pagpapatupad ng batas at ang direksiyong tinatahak ng institusyon.
Hindi madali ang papel ng Ombudsman. Nasa gitna ito ng kapangyarihan at pananagutan. Kailangang maging matatag ngunit makatarungan, mabilis ngunit maingat. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, pinagtibay ang centralized review ng mga kasong kinasasangkutan ng matataas na opisyal, partikular ang mga mayor pataas.
Bago maglabas ng resolusyon ang anumang regional office, daraan muna ito sa pagsusuri ng central office. Sa ganitong paraan, naiiwasan ang undue influence sa lokal na antas at natitiyak na iisa ang pamantayan ng batas sa buong bansa. Mas nagiging matibay ang mga desisyon at mas napoprotektahan ang integridad ng proseso.
Malaki rin ang papel ng Assistant Ombudsman at spokesperson na si Mico Clavano, na nakakuha ng 57 percent IOG score. Epektibo siyang tulay ng komunikasyon sa publiko— malinaw, eksakto, at may disiplina sa pagpapahayag. Noong siya ay spokesperson ng Department of Justice kung saan si Remulla ang kalihim, napatunayan na ang kanyang kakayahang magpaliwanag ng sensitibong usapin nang may linaw at paggalang sa due process.
Kasama rin sa matibay na team si Assistant Ombudsman Luis Bonoan Jr., na may 55 percent IOG. Masigasig at isa siya sa mga katuwang kaya naging epektibo ang opisina ng Ombudsman. Ang ganitong uri ng suporta sa loob ng institusyon ang nagpapalakas sa kabuuang operasyon nito.
Sa kabuuan, malinaw na may tamang team ang Ombudsman—mga lider na bata, masigla, at epektibo, kapareho ng enerhiya at determinasyon ni Remulla. Hindi lamang ito tungkol sa numero; ito ay tungkol sa sistemang gumagana at sa pananagutang tunay na isinasakatuparan.
- Latest















