5 sakit ng mga Pinoy
1.High blood pressure – Kapag ang inyong blood pressure ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood pressure na kayo.
Isa sa apat na Pilipino ay may high blood pressure. Ang normal na blood pressure ay mababa sa 140 over 90.
Heto ang mga tips para bumaba ang blood pressure: (1) Magbawas ng timbang; (2) Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong; at (3) Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses bawat linggo. Kapag palaging mataas sa 140/90 ang iyong blood pressure, kailangan mo nang uminom ng gamot.
2.Diabetes – Kung may nararamdamang pamamanhid, laging nauuhaw, madalas umihi, o namamayat, magpa-check sa diabetes. Kapag ang blood sugar ay higit sa 126 mg/dl pagkatapos ng 10-oras na hindi pagkain (fasting blood sugar), nangangahulugang may diabetes na kayo.
Umiwas sa dalawang bagay: Matataba at matatamis na pagkain. Mag-ehersisyo rin ng regular at huwag magpataba.
Depende sa taas ng iyong blood sugar, may mga mura at mabisang gamot sa diabetes, tulad ng Metformin at Gliclazide. Kung hindi mako-kontrol ang iyong blood sugar, ay mapapabilis ang pagdating ng komplikasyon nito.
3.Mataas na cholesterol – Mataas ang cholesterol kapag lampas ito sa 200 mg/dl. Magdiyeta na. Posibleng kailangan uminom ng gamot kapag lampas sa 240 ang cholesterol.
Subukang magdiyeta ng dalawang buwan. Iwas taba, karne, cakes at icing muna. Pagkaraan ng dalawang buwan, ipa-test uli ang cholesterol at kapag lampas ulit sa 240 mg/dl, doon magsisimula ng gamot na Statins.
4.Sakit sa kidneys – Kung mayroong diabetes o high blood pressure, kailangang bantayan ang kidneys. Ang diabetes at high blood ay nakasisira sa kidneys. Kadalasan ay walang nararamdaman ang mga taong may sakit sa kidneys.
Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi.
Heto ang tips: (1) Bawasan ang alat ng pagkain; (2) Limitahan ang protina sa pagkain. Damihan ang isda, gulay at prutas; (3) Iwasan ang pag-inom ng pain relievers o gamot sa kirot; (4) Uminom ng walo hanggang 10 basong tubig araw-araw.
5.Cancer – Kapag ang isang tao ay wala pang kanser, ang pinakamagandang kainin ay ang tatlong K: kamatis, karots at kalabasa. Puwede rin ang mga pagkaing ito para makaiwas sa kanser: green tea, curry powder, bawang, sibuyas, sibuyas dahon (leeks), repolyo, cauliflower, tofu o tokwa, at talong. Damihan ang pagkain ng anti-cancer foods.
Bawasan ang pagkain ng hindi masustansyang pagkain tulad ng baboy, baka, hotdog, bacon, ham at longganisa.
- Latest




















