^

PSN Opinyon

Sa paghahanap ng trabaho sa abroad: Employment websites, epektibo nga ba?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang sa mga paraan ng  paghahanap ng trabaho sa ibang bansa ang paggamit sa mga tinatawag na employment website na nagkalat sa internet.  Sa ganitong website, ipinoposte ng mga employer o kumpanya ang mga kailangan nilang empleyado  o job requirement. Makikita naman dito ng mga naghahanap ng  trabaho ang mga bakanteng posisyon na nakaanunsiyo sa website na ito. Isinusumite rito ng mga job applicant ang kanilang resume o biodata para makita ng mga employer para sa inaaplayan nilang posisyon. 

Merong mga employment website na nakabase sa ibang bansa at meron din dito sa Pilipinas. Maging ang ating bagong Department of Migrant Workers na sumasaklaw na sa Philippine Overseas Employment Administration ay merong website na kakikitaan ng mga bakanteng trabaho sa ibang bansa na maaaring aplayan ng mga nais maging overseas Filipino worker. Sa website ng DMW /  POEA makikita kung lehitimo o blacklisted ang isang recruitment agency o kung totoo o peke ang trabaho.

Pero kadalasang nabibiktima ng mga illegal recruiter, pang-aabuso, scammer at iba pang manloloko ang mga OFW.  Sinasabing kalimitang may kinalaman ito sa employment agencies na nagpoproseso ng pagkuha ng mga manggagawa para sa ibang bansa.

Kaya mahalaga rin na tiyakin din muna ng mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa kung mapapanaligan at maaasahan ang gagamitin nilang employment website.  Hindi masamang saliksikin kung epektibo ito  o hindi o kung marami ba ang natatanggap sa trabaho sa pamamagitan nito lalo pa at trabaho sa ibayong-dagat ang usapan dito.

Ipinapayo ng ilang eksperto na dapat saliksikin ng aplikante ang hinggil sa kumpanyang nakalista sa isang employment website. Kung nakaposte sa website ang job opening ng isang kumpanya na merong dati nang masamang record, iligal na gawain  o may nagawang pagkakasala o nakatanggap ng poor reviews, magdalawang-isip at maingat na ikonsidera kung dapat aplayan ito o hindi.  Ang mga employment site na nagtataguyod sa ganitong klase ng mga kumpanya ay mga site na hindi iniisip ang kapakanan ng kanilang mga aplikante pagkaraan ng paunang recruitment.

 Pag-aralan ang mga patakaran.  Pinakamahusay na pasukin ang website na ganap na transparent at responsable sa kapakanan ng mga aplikante nito. Kung  hindi makatwiran at kung malabo at may mga butas sa mga patakaran nito,  isa na itong pahiwatig na dapat nang maghanap ng ibang employment website.

Suriin ang sahod na iniaalok ng kumpanya. Sino mang aplikante ay gugustuhin ang mas mataas na suweldo. Maging maingat kung parang mahirap paniwalaan o tila kakaiba na parang totoo talaga ang iniaalok na pasahod. Saliksikin kung ano ang pamantayang suweldo sa inaaplayang trabaho at pagbatayan dito ang magiging hatol mo. Magbasa ng mga testimonya sa labas ng official webpage nito. Mabuting idea na basahin ang  karanasan ng mga naunang aplikante kung may pagkakataon. Karaniwang tangi lang ipinoposte ng mga website ang mga positibong komento kaya tiyaking alamin ang ibang testimonya bukod sa mga nasa official homepage para makita kung maganda nga o hindi ang site. Tanungin ang mga kakilala na nakagamit ng naturang website.

Mahalaga nga ang mataas na sahod pero dapat unahin ang iyong kapakanan. Sa paghahanap ng trabaho sa ibayong dagat, tiyakin na lehitimo ang website at lisensiyado ng DMW / POEA at maipaparating ang iyong abilidad sa employer na nagpapahalaga sa ibayong kasanayan, kaligtasan sa trabaho at angkop na sahod at benepisyo.

Iwasan ding magbigay sa recruiter / employer o website ng anumang impormasyon hinggil sa iyo. Huwag irehistro ang resume o magtayo ng profile maliban kung alam mo nang lehitimo ang oportunidad. Kung merong pekeng trabaho, meron ding pekeng jobsite.

Tiyaking merong contact information sa website.  Dapat meron itong kumpletong pangalan, office address at phone number at email address na maaaring kontakin para sa kailangang impormasyon.

   Tukuyin muna kung merong mga nakalistang bakanteng trabaho bago magparehistro sa website. Kung wala, senyales ito na hindi interesado ang site na matulungan kang makahanap ng trabaho lalo na kung wala itong Private Policy. Huwag gagamit ng employment website na walang Private Policy. Basahin ang private policy kapag meron bago magrehistro. Dapat nakasaad dito ang kinukuha nilang impormasyon sa iyo at ano ang gagawin nila rito at sino ang makakabasa ng iyong resume.  

Meron namang mga website kunwari na gusto lang kunin ang iyong contact information (email, home address, phone number at iba pa) para ibenta nila ito sa mga kumpanyang magbobomba sa iyo ng kanilang mga advertisement o mas grabe pa rito.

Dapat maging madali sa iyo ang paghahanap ng trabaho na gusto mo. Kapag may nakita ka, dapat madali kang makakapag-aplay.  Kung naaasiwa ka at nahihirapan sa site, huwag na itong gamitin. Kung tutuusin, hindi naman recruitment agencies ang mga employment website na ito. Nagsisilbi lang silang tulay sa pagitan ng mga prospective employers at jobseekers  kaya walang dahilan para hindi mag-ingat.

* * * * * * * * *

Email-  [email protected]   

vuukle comment

EMPLOYMENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with