EDITORYAL — Kulang sa kahandaan
TINESTING ng Bagyong Aghon kung handa ang pamahalaan sa paghagupit ng ulan, hangin, baha at landslides. At napatunayan ng unang bagyo para sa 2024 na hindi handa ang pamahalaan. Katulad pa rin ng dati na nasorpresa at maraming mamamayan ang nagmistulang mga daga na hindi malalaman kung saan susuling. Walang ipinagkaiba sa mga nakaraang pagdaan ng kalamidad na hindi alam kung saan dadalhin ang mga apektadong mamamayan. Gaya pa rin ng dati, sa mga eskuwelahan, covered court at barangay hall dinala ang mga apektadong residente. Nagsiksikan ang mga tao sa evacuation centers. Ang kawawa ay mga bata na madaling mahawahan ng sakit.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), limang katao ang namatay, pito ang nasugatan habang 19,373 katao ang naapektuhan ng Bagyong Aghon sa Luzon at Visayas Region. Umabot sa 2,162 katao ang dinala sa evacuation centers. Pinakamarami ang nasalanta sa Quezon kung saan, walong beses nag-landfall ang Bagyong Aghon.
Ayon pa sa NDRRMC na ang mga namatay ay nagmula sa Calabarzon area at meron din sa Region 10. Kabilang sa mga namatay ay pitong buwang sanggol na lalaki na nalunod nang tangayin ng baha ang kanilang bahay sa Padre Burgos, Quezon. May mga napinsala rin sa Bicol Region, Central at Eastern Visayas.
May mga residente naman sa isang bayan sa Quezon na nagsabing hindi sila inabisuhan na mag-e-evacuate kaya marami sa kanila ang na-trap sa baha. Umabot hanggang leeg ang baha. Nagkulang umano ang mga tao sa gobyerno. Ayon naman sa mga opisyal ng local government unit (LGU), nagbabala na sila sa mga residente na malapit sa ilog na mag-evacuate dahil posible ang pagragasa ng baha. Meron umano na ayaw umalis sa kanilang bahay at binalewala ang babala sa pagdating ng Bagyong Aghon.
Unang bagyo pa lamang ang tumatama sa bansa at hindi pa masasabing malakas at mapaminsala. Paano kung ang mananalasang bagyo ay kasinglakas ng super thypoon Yolanda na pumatay sa 6,000 katao at nagwasak sa maraming bahay sa Eastern Samar? Hindi rin handa ang pamahalaan noon nang tumama ang Yolanda. Hanggang ngayon, marami pa sa Yolanda victims ang walang sariling tahanan. Marami pa rin ang naghihintay ng tulong mula sa pamahalaan.
Hanggang ngayon, wala pa ring evacuation centers kaya ang mga biktima ng bagyo ay sa mga eskuwelahan nagsisiksikan. Walang kahandaan ang pamahalaan sa pagtama ng kalamidad kaya maraming mamamayan ang nakaharap sa panganib.
Taun-taon, 20 bagyo ang tumatama sa bansa bukod pa rito ang pagputok ng mga bulkan at pagbaha. Nararapat na mayroong kahandaan ang pamahalaan ukol dito.
- Latest