^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Wala nang takot ang mga kriminal

Pilipino Star Ngayon

LANTARAN na at walang pangimi ang ginagawang pagpatay. Kahit maliwanag ang sikat ng araw at maraming taong nagdaraan, isasakatuparan ng mga kriminal ang masamang balak. Walang kinatatakutan at walang pinangingilagan. Sa nangyayaring ito, tila wala nang silbi ang mga alagad ng batas na ang tungkulin ay pangalagaan at protektahan ang mamamayan sa masasamang-loob. Nasaan na ang sinasabing police visibility? Nasaan yung ipinangakong karagdagang pulis na magroronda o ang police marshalls na nasa mga pampublikong sasakyan?

Noong Huwebes ng umaga, binaril at napatay ng riding-in-tandem ang 51-anyos na babaing manager ng banko habang nakasakay sa kanyang kotse sa tapat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Taft Avenue, Manila. Ang pinangyarihan ng krimen ay malapit sa headquarters ng Manila Police District sa UN Avenue. Matapos barilin ang biktimang si Rosemarie Gatan, namaneho pa nito ang kotse hanggang sa sumampa sa gutter at bumangga sa konkretong poste. Wala ni isa mang nakarespondeng pulis para tugisin ang riding-in-tandem. Isinugod ang biktima sa malapit na ospital pero namatay din. Ayon sa mga kaanak ng biktima, napakabait nito at wala silang nalalamang kagalit o kaaway.

Blanko ang pulisya sa nangyaring krimen. Isa na namang kaso na maaaring mapabilang sa unsolved crime. Kung mayroon sanang nagpapatrulyang pulis (lalo pa’t malapit sa MPD headquarters) baka madaling nalutas ang krimen. Ngayon ay nanga-ngapa sa dilim ang mga pulis at naghihinagpis naman ang mga kaanak ng biktima sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay.

Maraming nangyayaring krimen ngayon. Para bang inalpasang mga toro ang mga kriminal na suwag dito, suwag doon. Wala nang kinatatakutan at pinangingilagan. Nagbibigay ng pangamba sa mamamayan na baka sa paglabas nila ng bahay ay mayroon sa kanilang sasalakay. Kailan magi-ging laging handa ang PNP para sa kapakanan ng mamamayan? Kailan magkakaroon ng katotohanan ang sinasabi nilang mangangalaga at magsasanggalang?

 

vuukle comment

AYON

KAILAN

MANILA POLICE DISTRICT

NASAAN

NATIONAL BUREAU OF INVESTIGATION

NOONG HUWEBES

ROSEMARIE GATAN

TAFT AVENUE

WALA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with