^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Walang katapusang pakikibaka sa jueteng

-
ISANG malinaw na katotohanan na kaya hindi madurog ang illegal jueteng ay sapagkat ang mga taong nagpapatupad ng batas ay sila mismong kasangkot dito. Sino ang huhuli sa mga nagpapataya, kabo o mananaya kung ang mismong police officer na may sakop sa lugar ng jueteng ay kasabwat? Mahirap humuli lalo pa at malaking halaga ng pera ang kasangkot. Ang ganitong senaryo ay karaniwan na lamang ngayon. Kahit na bugbog sarado sa media at walang patumangga ang pagbatikos sa mga pulis o mismong kay Interior Secretary Jose Lina, wala ring epekto at patuloy pa rin ang paglaganap ng jueteng. Patuloy na nagsulputan at mas dumami pa ang bilang sa mga liblib na barangay. Iniaasa ng mga mahihirap ang kanilang bukas sa pagtaya sa jueteng bagay na lalo lamang ikinahihirap ng kanilang buhay.

Mahirap nang madurog ang jueteng. Parang kanser nang nakakapit sa buto at hindi makayod. Lalo pa ngang mahirap kayurin sapagkat pati pulis ay kasabwat.

Isang patunay dito ay ang pagkaka-raid sa isang juetengan sa Valenzuela City noong Linggo. Sinalakay nga ng mga tauhan ng DILG Special Operations Group Jericho ang juetengan sa Daang Bakal, Malinta. Ang kakatwa, nasa lugar ding iyon ang police precinct na pinamumunuan ni Senior Insp. Floridio Romero Jr. Si Romero ang commander ng Valenzuela Police Community Precinct 4. Agad na sinibak ni Lina si Romero makaraan ang pagsalakay sa juetengan.

Paano pa masusugpo ang jueteng kung ang nagpapasunod ng batas ay bulag at hindi makita ang mga nangyayari sa kanyang paligid – kahit na nga nasa bakuran na niya ang mga nagju-jueteng. Ang katulad ni Romero ay dapat na maalis sa tungkulin. Masamang halimbawa sa iba pang opisyal ng PNP ang kanyang pagbubulag-bulagan o pagkunsinti. Hindi kailanman masusugpo ang jueteng kapag may mga PNP officer na tulad niya.

Hindi lamang si Romero ang gumagawa ng ganyan. Marami pang iba na patuloy na nagto-tolerate sa bawal na sugal. Sa halip na manghuli ay kumukupkop pa. Hindi rin lamang sa PNP may mga masasamang gawain kundi pati na rin ang mga opisyal ng gobyerno – mayor, governor, barangay councilor ay sangkot sa malawakang jueteng. Ang pagraid ng mga tauhan ng DILG sa jueteng den sa Valenzuela ay hindi dapat diyan matapos. Magpatuloy pa sa malawakang pagsalakay at ipatupad ang batas. Ang tanong ay kung kailan makahuhuli ng "malaking isda" ang grupo ni Lina. Kung pawang mga "dilis" ang malalambat, balewala ang kampanya. Patuloy na lulubha ang problema sa jueteng.

DAANG BAKAL

FLORIDIO ROMERO JR. SI ROMERO

INTERIOR SECRETARY JOSE LINA

JUETENG

MAHIRAP

PATULOY

SENIOR INSP

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with