Abortion legalization, haharangin ni Zubiri
MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang anumang panukalang batas na naglalayong gawing legal o mag-decriminalize ng abortion sa Pilipinas habang siya ay nanunungkulan sa Senado
“Gawing legal ang abortion? Over my dead body!!!” pahayag ni Zubiri sa X.
Naungkat ang isyu nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III sa pagdinig ng budget ng Commission on Human Rights (CHR) kamakalawa kung ano ang stand ng ahensiya sa abortion.
Ipinaalala ni Sotto na noong 2023, sinabi ng CHR na laban ito sa abortion maliban na lamang sa mga “extreme cases.”
Sa pamamagitan ni Senate finance committee chairman JV Ejercito, sinabi ng CHR na nanatiling pro-life at anti-abortion ang ahensiya.
Binanggit ni Ejercito na itinuturing naman na “extreme circumstances” ang mga “life-threatening situations, victims of rape, and for medical reasons.”
Sinabi ni Sotto na may mga nagtatangka na amiyendahan ang Revised Penal Code kaya nais niyang marinig ang sagot ng CHR.
“#ProLife ako at sagrado ang bawat buhay.Habang nasa Senado ako, tututulan ko ang ganitong batas. Suportado ko rin ang pondong kailangan ng komisyon para maisakatuparan ang mandato nito,” pagtatapos ni Zubiri.
- Latest


















