Remulla ibinalik na kay Respicio pinang-drug test

‘Eto na, happy?’
MANILA, Philippines — Nai-reimburse na ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang P28,011 na ginastos ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio sa kanyang drug test.
Nagkomento si Remulla sa online post ni Respicio at ipinakita ang screenshot ng perang ipinadala niya, kalakip ang mensaheng, “Eto na, Happy?” Tumugon naman si Respicio ng,
“You make me happy, Jonvic.”
Matatandaang ibinahagi ni Respicio ang kanyang e-wallet QR code at hiniling kay Remulla na i-reimburse ang kanyang ginastos sa drug testing. Nagsimula ang usapin matapos magkomento ang kalihim tungkol sa umano’y kilos ng bise alkalde sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.
Sumailalim si Respicio sa drug test sa St. Luke’s Medical Center–Quezon City matapos siyang hamunin ni Remulla kasunod ng viral video ng mainitang pakikipagtalo nito sa mga opisyal ng barangay hinggil sa mga hindi natapos na proyekto para sa mga magsasaka ng tabako.
Lumabas sa resulta na negatibo si Respicio sa methamphetamine, THC, cocaine, ecstasy, benzodiazepines, opiates, propoxyphene at tricyclic antidepressants. Matapos nito, binati siya ni Remulla ngunit sinundan ito ng pahayag na “natural” umano ang “sayad” ng bise alkalde.
Tinutulan naman ito ni Respicio at sinabing hindi dapat iugnay sa kanya ang mga taong may problema sa pag-iisip. Samantala, sinabi niyang handa siyang harapin ang anumang administratibong parusa, kabilang ang suspensyon, kaugnay ng kanyang naging asal sa sesyon ng Sangguniang Bayan.
- Latest
















