Engineer, 2 pang empleyado natagpuang patay sa hotel

Sewage treatment plant tumagas
MANILA, Philippines — Tatlong empleyado ng hotel kabilang ang isang inhinyero ang natagpuang patay sa sewage treatment plant ng isang hotel na kanilang kinukumpuni sa Davao City, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Engineer Reuben James Ramos, 30; Rextal Banal, 27-anyos, at Lance Molijon, 26; pawang miyembro ng Engineering Team at mga empleyado ng Dusit Thani Residence sa lungsod ng Davao.
Base sa inisyal na ulat ng pulisya, kasalukuyang nagsasagawa ng pagkukumpuni sa sewage treatment facility ng hotel sina Ramos at dalawa pang kasama nito sa Engineering Team nang mangyari ang trahedya noong Lunes, Oktubre 5.
Unang pinaniniwalaang nakuryente ang mga biktima pero sinabi ng awtoridad na hindi pa nai-establisa ang sanhi ng pagkasawi ng tatlo.
Ayon sa Davao City Fire District-Bureau of Fire Protection, natukoy nila ang mapanganib na level ng carbon monoxide sa nasabing planta matapos na mapaulat ang tumagas ang gas dito dakong alas-2:36 ng madaling araw ng nasabing araw na isa rin sa sinisilip na anggulo sa pagkamatay ng mga biktima.
Ayon sa Davao City Police Office, masusi na nilang iniimbestigahan ang insidente kung nasawi sa pagkakakuryente o gas poisoning ang tatlong biktima at hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa mga bangkay.
Sinabi naman ni Davao City Police Spokesperson P/Major Teresita Gaspan, ilalabas nila ang resulta ng awtopsiya sa oras na matapos na ito.
Nitong Miyerkules ay naglabas na rin ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ang pamunuan ng nasabing hotel.
“With heavy hearts, we mourn the loss of three valued members of our team. Our deepest sympathies are with their families, loved ones, friends, and colleagues during this profoundly difficult time,” ayon sa pangasiwaan ng Dusit Thani Residence sa isang pahayag.
- Latest




















