CALE88 ‘kandidato’ sa money laundering – AMLC

MANILA, Philippines — Sinabi ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na maaaring ituring na “candidate for money laundering” ang CALE88 Foods Corp., ang kumpanyang iniuugnay kay Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Lumabas ang pahayag sa ika-34 araw ng impeachment trial ni VP Duterte sa Senado matapos kuwestiyunin ni Senate President Sherwin Gatchalian ang malaking halaga ng perang pumasok at lumabas sa kumpanya sa kabila ng maliit nitong paid-up capital na P125,000.
Ayon kay AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura, posibleng maging kandidato sa money laundering probe ang kumpanya ngunit kailangan munang matukoy kung nagmula ang pera sa isang ilegal na aktibidad bago makabuo ng konklusyon tungkol sa money laundering.
“Kung candidate lang po, yes. But we have to consider all other factors,” sagot ni Buenaventura sa pagtatanong ni Gatchalian.
“We’ll have to check po kung may predicate,” dagdag niya.
Ang tinutukoy na predicate crime ay ang pinagmulan ng perang hinihinalang nilabhan o nilinis.
Diniinan ni Gatchalian ang tanong tungkol sa perang hindi umano makita sa mga libro ng kompanya. “Dapat ma-reflect ’yan sa books, ‘di ba? Eh hindi ma-reflect sa books. Isang candidate for money laundering?” tanong niya.
Nilinaw ni Buenaventura na upang maituring na money laundering, kinakailangang mapatunayan na ang perang sangkot sa transaksyon ay nagmula sa isang ilegal na aktibidad o unlawful activity gaya ng kidnapping for ransom, drug trafficking, graft at iba pang krimen.
Tinukoy ni Gatchalian na mula 2022 hanggang 2025 ay nakapagtala ang CALE88 ng P776.6 milyong inflows at P154.6 milyong outflows, samantalang nasa P23 milyon lamang umano ang kabuuang benta nito mula 2021, may P18 milyong assets at P20 milyong liabilities.
Batay sa ulat ng AMLC, nakatanggap din ang kumpanya ng kabuuang P319.326 milyong inward remittances mula sa mainland China at Hong Kong. Sa halagang ito, P315.94 milyon ay mula sa mainland China at P3.39 milyon naman mula sa Hong Kong.
- Latest





















