PANOORIN: Castro bumuwelta kay VP Sara: 'Wala nang mahanap na pang-depensa'
MANILA, Philippines — Sinagot ng Malacañang ang paratang ni Vice President Sara Duterte na ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang nasa likod umano ng mga alegasyon laban sa kanya.
"Siguro ‘yun talaga ‘yung mangyayari kapag ka wala nang mahanap na pang-depensa, magtuturo ka na lang ng iba," ani Palace Press Officer Claire Castro nitong Martes, Oktubre 6.
Dagdag niya, sa ngayon ay wala pa ring pagpapasinungaling o anumang konkretong ebidensiya mula kay Duterte na wala silang natanggap.
Tanong din niya, kung mayroon mang kakayahang magpaliwanag si Duterte, bakit daw hindi pa niya ito ginawa noon.
"Siguro kung marunong siyang mag-explain ng mga inaakusa sa kanya, baka hindi na tayo nakarating sa impeachment court," dagdag ni Castro.
Giit naman ng Malacañang na hindi raw kayang ibenta ng pangulo ang bansa sa dayuhan.
"Isa itong karumal-dumal na gawain, so huwag natin 'tong tularan," ani Castro.
Nauna nang nagbigay ng press briefing si Duterte sa Davao City nitong Martes kung saan isinisi niya ang administrasyong Marcos sa mga alegasyon laban sa kanya kasunod ng pahayag ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid umano siya ng mahigit P2 bilyong pera sa bise presidente. — Karagdagang ulat mula kay Martin Ramos
- Latest





















