Who Am I kikilatisin sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Pitong mga batang kabayo ang magtatagisan ng bilis sa 3-Year-Old & Above Maiden race (Non Placers) na ilalarga bukas, (Biyernes) sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas.
Kabilang sa masisilayan ng mga karerista ang Who Am I na gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
May distansyang 1,200 meter race, makakalaban ng Who Am I ang Cold Summer Night, He’s Big Enough, Cat Call, Kampil at magkakamping Tula Tula Dream at The Gentleman.
Inaasahang makakakuha ng malaking suporta sa mga liyamadista ang kalahok na Who Am I pero tiyak naman na mapapalaban ito sa Kampil at Cat Call na sasakyan ni class A rider Conrad Henson.
Nakalaan ang P15,000 added prize para sa winning horse owner sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), masusungkit naman ng breeder ng mananalong kabayo ang P4,500 habang P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
May best time na 1:13.2 ang Who Am I habang dikit ang oras ng Cat Call na may 1:14.8 kaya paniguradong makakapanood ng magandang karera ang mga karerista.
At dahil may programa ng karera na mabibili ay inaasahang nag-aaral na agad ang racing aficionados ng kanilang tatayaang kabayo.
Samantala, pakakawalan sa unang race ang nabanggit na karera sa alas-5:30 ng hapon, simula ng tayaan sa first Pick 6, forecast, daily doubles at ibang klase ng laro.
- Latest























