Crematorium owner, 3 pa kinasuhan ng NBI

MANILA, Philippines — Pormal nang kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) laban sa may-ari ng Ahjay Paw Aftercare Pet Crematorium, at mag-asawang subcontractor para sa cremation services at isang hindi tukoy na pangalan na nagbaon sa mga bangkay ng hayop sa Bulacan.
Ito ay matapos matuklasan ang saku-sakong labi ng mga aso at pusa na itinapon at ibinaon lamang sa San Jose Del Monte, Bulacan sa halip na dumaan sa tamang proseso ng cremation.
Inirekomenda ng NBI na kasuhan ang mga respondent ng Estafa (dahil sa panloloko sa mga pet owners na nagbayad para sa cremation) at paglabag sa mga batas pang-kapaligiran tulad ng Philippine Clean Air Act at Ecological Solid Waste Management Act.
Opisyal nang dinala ng mga ahente ng NBI ang mga dokumento sa DOJ at idineklara na rin na “case closed” ang imbestigasyon dahil pormal nang nailipat ang reklamo para sa preliminary investigation ng mga prosecutor.
Higit 25 pet owners na ang lumapit upang magsilbing complainants.
- Latest
















