Lalaking armado nanagasa sa checkpoint, arestado

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga matapos na tangkaing sagasaan ang checkpoint at nakumpiskahan ng suspected shabu at iligal na baril kamakalawa ng gabi sa Barangay Zone 2, Atimonan, Quezon.
Base sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang suspek na si “Jero,”may sapat na taong gulang.
Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ang Atimonan Police ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang kahina-hinalang lalaki na may nakasukbit na baril sa beywang habang nakasay sa motorsiklo.
Agad na nagtungo sa lokasyon ang mga awtoridad upang magsagawa ng beripikasyon.
Sa halip na sumunod nang pinara ng mga pulis, tinangka pa umano ng suspek na sagasaan ang mga operatiba gamit ang kanyang motorsiklo subalit mabilis siyang napigilan at tuluyang naaresto.
Narekober mula sa pag-iingat ni “Jero” ang isang kalibre .9mm na baril na may lamang dalawang pirasong live ammunition; 2-sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 5.9 gramo at P40,120 ang halaga.
- Latest























