NCR, magkakaroon na ng flood master plan hanggang 2026 – Dizon

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na magkakaroon na ng flood master plan ang National Capital Region (NCR) hanggang 2026.
Ito ang inihayag ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, chairman ng House Committee on Public Order and Safety kaugnay ng pagrepaso sa pondo ng DPWH kaugnay ng nadiskubreng double entry sa mga flood control projects, natapos ng mga proyekto pero pinondohan pa ng bilyong halaga.
Una rito, noong Biyernes sa pagharap ni Dizon sa briefing sa House Committee on Appropriations ay inamin nito matapos makausap ang mga opisyal ng ahensiya na walang flood master plan ang NCR.
“I also brought to the attention of Secretary Dizon the situation of pumping stations where parts are being stolen, compromising the integrity and operations of those facilities”, ani Valeriano.
Ayon kay Dizon, sinabi ni Valeriano na ang pondo sa naturang master plan sa flood control program ay manggagaling sa Asian Development Bank (ADB) at habang tinatrabaho ito ay magpapatupad ng mabilisang solusyon ang DPWH.
Isinuhestiyon naman ng mambabatas na magtulungan ang DPWH at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig at mga esteros sa metropolis para matugunan ang mga pagbaha sa Metro Manila.
Samantala, kabilang sa dalawang flood control projects na nais gawin ay ang Pasig-Marikina at ang Parañaque spillway na popondohan ng World Bank at JICA na handang tumulong sa problema sa mga pagbaha sa Kalakhang Maynila.
- Latest
















