Nigerian kulong sa panggagahasa ng minor
MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na Nigerian national na kabilang sa Regional Most Wanted Persons ng Police Regional Office 4A (PRO 4A) ang dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa isinagawang operasyon sa 21st Avenue, Project 4, Quezon City kamakalawa.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Anthony,” na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997, kaugnay ng umano’y panggagahasa sa isang menor-de-edad sa Sta. Rosa City, Laguna. Walang inirekomendang piyansa ang korte.
Naganap ang pag-aresto sa pangunguna ng Regional Special Operations Unit ng Regional Intelligence Division 4A (RSOU-RID4A), katuwang ang Warrant Section ng Sta. Rosa City Police Station, Laguna Police Provincial Office, at Police Station 8 ng Quezon City Police District (QCPD). Ang warrant ay inilabas noong Pebrero 19, 2026, ng Regional Trial Court, Branch 101, Sta. Rosa City, Laguna.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naganap umano ang insidente noong umaga ng Oktubre 12, 2025, sa parking area ng isang mall sa Brgy. Tagapo, Sta. Rosa City nang alukin ng suspek ang biktima na samahan siyang bumili ng cake bilang sorpresa sa kaarawan ng ina nito.
Nang malaman nilang sarado pa ang mall, ipinarada umano ng suspek ang sasakyan sa ikalimang palapag ng parking facility, kung saan naganap ang pang-aabuso.
Binigyang-diin ni PRO 4A Regional Director PBGen. Dominic L. Baccay ang determinasyon ng kapulisan na tugisin ang mga wanted person at panagutin sa batas ang mga sangkot sa mga kasong seksuwal na pang-aabuso, alinsunod sa PNP Focused Agenda at PRO 4A B.E.S.T. Initiatives Against Sexual Offences.
- Latest



















