Recruitment ng ‘child fighter’ iniimbestigahan ng PNP
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre III ang umano’y recruitment ng mga ‘child fighter’ ng grupong Dawlah Islamiyah Maute Group (DI-MG) kasunod ng operasyon kung saan tatlong miyembro nito ang nasawi at naaresto naman ang tatlong menor- de-edad sa Lanao de Sur.
Ayon kay Torre, nais nilang malaman ang sistemang ginagawa at kung papaano nakukumbinsi ng mga terorista ang mga menor-de-edad na sumapi sa kanilang grupo.
“Ever since naman, naging modus operandi na ng Maute ang pag-recruit ng mga child fighters kasi nga pagdating sa labanan sa field, ang ating mga tauhan ay siyempre iba ang pagtingin kapag bata ang nakakaharap. Kaya ito’y kasuklam-suklam na gawain ng Maute,” ani Torre.
Sinabi rin ni Torre na walang dapat na ikabahala ang publiko sa naganap na insidente dahil kontrolado nila ang sitwasyon.
Aniya, wala nang kakayahan ang grupo na muling makapaglunsad ng malakihang pag-atake gaya ng ginawa nito sa Marawi City noong 2017.
Wala naman din aniyang ibang gawain ang naturang grupo kung hindi sirain ang kapayapaan sa mga komunidad para unahin ang kani-kanilang mga pansariling interes.
Maliban naman sa law enforcement operations ay mayroon din silang ikinakasang mga internal security operations kabilang na rin ang mga paaralan at mga lokal na pamahalaan para matukoy na kung sino ang nangunguna sa mga recruitment ng naturang grupo.
- Latest


















