Holdaper sa bus, muling sumalakay
MANILA, Philippines - Muling nakalusot ang mga kilabot na holdaper makaraang biktimahin ang mga pasahero ng isang pampasaherong bus sa EDSA-Malibay sa Pasay, kahapon ng madaling-araw.
Dumulog sa Pasay City Police-Criminal Investigation and Detective Management Section ang isa sa mga biktima na si John Lindle Pingi, 23, nurse.
Ayon kay Pingi, sakay siya ng isang pampasaherong bus nang tatlo sa mga nagpanggap na pasahero ang naglabas ng baril at nagdeklara ng holdap dakong alas-2 ng madaling-araw.
Mabilis na nilimas ng mga holdaper ang bag, pera at mga gadgets ni Pingi at ng iba pang pasahero at bumaba sa may EDSA-Malibay. Wala naman umanong pulis sa lugar para mahingan nila ng tulong kaya matagumpay na nakatakas ang mga salarin.
Matatandaan na kasama ang EDSA-Taft-Malibay area sa limang street crime hotspot sa Kamaynilaan na idineklara ng NCRPO. Inatasan ng NCRPO ang Pasay Police na pababain ang krimen sa naturang lugar at magtalaga ng mga pulis na magpapatrulya ng 24 oras upang hindi malusutan ng mga kriminal.
- Latest






















