Ginang tinangkang sunugin ng Indian national
MANILA, Philippines - Nailigtas sa tiyak na kapahamakan ng mga rumespondeng security guard ang isang ginang na tinangkang sunugin ng isang Indian national sa kanilang condominium unit, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Kasong attempted murder, attempted arson at unlawful possession of explosive ang isinampa ng pulisya laban kay Mirgendra Singh, student pilot at residente ng Unit 11-B Tower 1 Avida Tower, Brgy. San Dionisio sa naturang lungsod.
Isinugod naman sa pagamutan ang biktimang si Maria Lourdes Espina, 20, at nakatira naman sa Unit 1-B sa naturan ding condominium upang masuri at matiyak na ligtas ang siyam na buwang sanggol sa sinapupunan.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Reynaldo Serafica ng Station Investigation Division ng Parañaque Police, estudyante ang suspek sa flying school na pag-aari ng ka-live-in ni Espina na si Arnel Miguel, 37. Hindi na ipinagpatuloy ng suspek ang pag-aaral at pilit na hinihingi ang malaking halaga na naibayad nito bilang matrikula.
Dakong alas-3:00 ng madaling-araw kahapon nang pumasok si Singh sa condo unit ng biktima na noon ay nag-iisa at binuhusan ng dalang gasolina ang salas, kusina at silid subalit pinigilan siya ng buntis na ginang.
Dito pinaliguan din ng suspek ng dalang gas ang ginang, hinablot ang buhok palabas ng unit hanggang sa nakatawag-pansin sa mga security guard na kaagad tumugon sa paghingi ng saklolo ng biktima bago pa man masilaban ang unit ng dalang lighter.
Nang magresponde ang mga pulis, nakuha rin sa suspect ang isang molotov bomb at mga botelyang puno ng gasolina.
- Latest
- Trending



















