^

Metro

Bahay ni Parsons muling niratrat

-
Muli na naman umanong sinalakay ng hindi nakikilalang grupo ng kalalakihan ang bahay ni dating Hagibis singer at action star na si Sonny Parsons, kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.

Ayon sa pahayag ni Parsons, dakong alas-2:45 ng madaling-araw habang umano’y tinatapos niya ang script para sa isang pelikula sa parlor ng kanyang asawa sa #44 Bronze corner Rainbow St., Brgy. Concepcion Dos, SSS Village sa Marikina City nang biglang huminto sa tapat ng kanilang tahanan ang isang kulay pulang Nissan Sentra na may lulang tatlong maskarado na armado.

Isa umano sa mga suspect na may hawak na armalite at granada ang agad na bumaba sa kotse at sumilip sa pader ng kanilang bahay.

Sinabi ni Parsons, Jose Nabiula Jr. sa tunay na buhay, na agad niyang naramdaman ang panganib kaya’t mabilis niyang kinuha sa kanyang silid ang kanyang baril at dali-dali siyang lumabas.

Agad umano niyang nakita ang suspect na akmang tatanggalin ang pin ng dalang granada kung kaya agad niyang sinigawan ito.

Sinalubong umano siya ng pagpapaputok ng baril at pinaulanan pa ng bala ang kanyang bahay.

Dahil dito, napilitan siyang gumanti at pinaputukan ang mga suspect. Ayon pa kay Parsons tinamaan umano niya ng tatlong ulit sa dibdib ang isa sa mga suspect na may dalang granada.

Ilang sandali pa ay mabilis na tumakas ang mga suspect lulan ng kanilang sasakyan.

Bagamat narekober ng pulisya ang isang bag na puno ng bala ng .45 cal. pistol at ang granada na umano’y muntik ng maihagis ng mga suspect sa tahanan ng aktor, wala naman silang nakitang bakas ng dugo kontra sa pahayag ni Parsons na tinamaan niya ang isa sa mga suspect.

Naghahanap pa rin ang pulisya ng mga testigo ukol sa umano’y ikalawang pagtatangka sa buhay ni Parsons.

Marami umano sa mga kapitbahay ni Parsons ang nagsabing wala silang narinig na anumang putok ng baril. (Ulat ni Joy Cantos)

vuukle comment

AYON

CONCEPCION DOS

JOSE NABIULA JR.

JOY CANTOS

MARIKINA CITY

NISSAN SENTRA

PARSONS

RAINBOW ST.

UMANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with