^

Punto Mo

EDITORYAL — Pax Silica: ­Kaunlaran ng ­Pinas o dayuhan?

Pang-masa

BINABATIKOS at inuulan ng protesta ang kontrobersiyal na Pax Silica. Nang dumalaw si U.S. President Donald Trump noong nakaraang linggo, kasabay sa idinaraos na ASEAN Summit, dagsa ang nag-rally. Nilinaw naman ni President Ferdinand Marcos Jr. na wala pang pinal na kasunduan sa pagtatayo ng industrial hub sa New Clark City, Capas, Tarlac. Wala rin umanong itatayong data centers sa naturang lugar.

Ang Pax Silica ay inisyatiba ng United States na naglalayong patatagin ang pandaigdigang supply chain ng semiconductors, critical minerals at iba pang materyales na kailangan sa pagpapaunlad ng artificial intelligence (AI).

Makahihikayat umano ito ng $40 bilyon hanggang $70 bilyong pamumuhunan at makalilikha nang mahigit 100,000 trabaho. Maraming Pilipino ang magkakaroon ng pagkakakitaan sa sandaling maiisakatuparan ang proyekto.

Pero bago magpasilaw sa mga pangakong ito, mahalagang alamin muna kung ano ang magiging kapalit sa pagtatayo ng industrial hub sa  bansa. Dapat malaman kung ano ang mga mangyayari kapag nasa operasyon na ang Pax Silica.

Ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), maaaring mangailangan ang hub ng 65 hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw.

Paano matitiyak na hindi nito maaapektuhan ang suplay ng tubig ng mga karatig na komunidad at sakahan?

Nakababahala rin ang kapalaran ng 40 pa­milyang Aeta na nanganganib mapaalis sa kanilang komunidad. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, hinihintay nila ang pormal na pagkilala sa kanilang ancestral land.

Nakalulungkot na kayang magmadali ng pamahalaan sa paghahanda ng lupain para sa mga dayuhang mamumuhunan ngunit inaabot ng ilang dekada ang pagkilala sa karapatan ng mga katutubo.

Dapat ding busisiin kung hanggang saan ang pakinabang ng Pilipinas sa proyekto. Magkakaroon ba ang Pilipinas ng kakayahang lumikha ng sariling teknolohiya o mananatili lamang tagasuplay ng raw materials at cheap labor?

Kung wala pang pinal na kasunduan, ngayon ang tamang panahon upang igiit ang malinaw na mga garantiya sa pangangalaga ng kalikasan, karapatan ng mga katutubo, paglikha ng de-kalidad na trabaho at paglilipat ng kaalaman at teknolohiya sa mga Pilipino.

Hindi masamang hangarin na makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya. Ngunit kung ang kapalit nito ay pagkawala ng ancestral land ng mga katutubo, pagkasira ng kalikasan at patuloy na pagdepende sa ibang bansa, marapat lamang itanong: Kaunlaran ba ito ng bansa o progreso ng mga dayuhan?

PAX SILICA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with