Eala reresbak sa Ningbo Open

MANILA, Philippines — Nasa Ningbo, China na si Pinay netter Alex Eala na hangad makaresbak matapos ang sunud-sunod na kabiguan.
Dumating si Eala sa Ningbo noong Biyernes ng gabi para sa Ningbo Open na nakatakdang umarangkada sa susunod na linggo.
Mainit na tinanggap si Eala ng mga organizers kung saan binigyan pa ito ng mga bulaklak nang dumating ito sa venue.
“Good to see you in Ningbo, Alexandra Eala,” ayon sa post ng mga Ningbo Open organizers sa social media.
Hangad ni Eala na matuldukan ang sunud-sunod na kabiguan nito sa mga nakalipas na torneo.
Galing si Eala sa Wuhan Open kung saan maaga itong nasibak sa singles at doubles event.
Lumasap si Eala ng kabiguan sa kamay ni Chinese qualifier Han Shi sa opening round upang maagang mamaalam sa kontensiyon.
Ganito rin ang nangyari sa doubles.
Kapares ni Eala ang kaibigang si Zeynep Sonmez ng Turkey kung saan yumuko ang dalawa kina Ukraine netters Daryana Yastremska at Anhelina Kalinina.
Hindi lang naman si Eala ang nagtamo ng upset loss sa Wuhan Open.
Kabilang din sa listahan si top seed Aryna Sabalenka ng Belarus na natalo kay American Ann Li sa Round of 32.
Bago ang Wuhan Open, nagkasya lang sa tansong medalya si Eala sa Asian Games na ginanap sa Nagoya, Japan.
Paborito si Eala na magkampeon sa torneo bilang may pinakamataas na ranking sa WTA sa draw.
Ngunit naputol ang ratsada ni Eala nang matalo ito kay Wang Xiyu ng China sa semifinals.
Si Wang ang nagkampeon sa Asian Games na nabiyayaan din ng awtomatikong tiket sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
- Latest






















