9 kontratista, nag-donate sa 2025 midterm polls’ candidates – Comelec

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na nasa siyam na ang mga kontratista na natukoy nilang nagbigay din ng campaign contribution sa ilang kandidato sa katatapos na 2025 midterm elections.
Sa isang media interview, sinabi ni Garcia na hindi pa pinal ang naturang listahan dahil kasalukuyan pa aniyang binibisita ng poll body ang mga Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng 66 na senatorial candidates at 155 partylist groups na kumandidato sa May 12 polls.
Ayon kay Garcia, sa sandaling makumpleto na ang listahan ng mga kontratista ay isusumite nila ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang matulungan silang matukoy kung ang mga naturang contractors ay nakakuha ng kontrata sa pamahalaan.
“For 2025, we have not confirmed any candidate at that time whether they won or not. But I am confirming that more or less, nine contractors donated to politicians,” aniya.
Matatandaang ang pagbibigay ng donasyon ng mga kontratista ng pamahalaan sa mga kandidato sa halalan ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Section 95(c) ng Omnibus Election Code.
Anang Comelec, ang sinumang mapapatunayang guilty sa paglabag dito ay maaaring maharap sa kaukulang parusa.
“One to six years of imprisonment, whether it’s the contractor himself or the politician or candidate who received it,” ani Garcia.
Una nang ibinunyag ni Garcia na 55 kontratista ang iniimbestigahan nila matapos na makumpirmang nagbigay ng donasyon sa mga kandidato sa 2022 elections.
- Latest


















