EJ winasak sariling Asian Games record
MANILA, Philippines — Sa kanyang pinakahuling lundag ay ipinoste ni EJ Obiena ang bagong Asian Games pole vault record para angkinin ang ikalawang sunod na gold medal.
Inilista ng two-time Olympian ang bagong markang 5.91-meters para patuloy na dominahin ang kanyang event laban sa 11 pang kalahok kahapon sa Nagoya City Mizuho Park Stadium.
Walang kahirap-hirap na tinalon ni Obiena ang 5.50m, 5.70m at 5.75m bago isinara ang event sa paglilista ng bagong Asiad record na 5.91m.
Pinataob ni Obiena sina Chinese bets Yao Jie at Li Chenyang na parehong 5.70m lamang ang nakayanan para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang pangalawang pagkakataon na inangkin ng 6-foot-2 pole vaulter ang Asiad gold matapos magtala ng 5.90m noong 2022 sa Hangzhou, China.
Dinuplika rin ng 30-anyos na si Obiena ang kanyang season-best clearance na 5.91m na inilista niya sa Golden Sand meet sa Poland noong Agosto 17.
Ang Aichi-Nagoya Asiad ang pinakahuling event ng four-time Southeast Asian Games champion ngayong 2026 sa ilalim ng bagong coach na si Marcin Szczepanski ng Poland.
Hawak pa rin ni Obiena ang Asian record na 6.00m.
Ang gold ni Obiena ang ikatlong medalya ng Philippine athletics team sa Aichi-Nagoya Asiad matapos ang tig-isang bronze nina Fil-Am middle distance runner Victoria Bossong sa women’s 800m run at Fil-Spanish John Cabang Tolentino sa men’s 110-meter hurdles.
- Latest




















