Coin deposit machines, target ibalik ng BSP sa Enero

MANILA, Philippines — Target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maibalik na sa Enero 2027 ang kanilang sikat na coin deposit machines.
Ayon kay BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat, plano nilang buhaying muli ang programa matapos na suspindihin noong nakaraang taon.
Ang naturang coin deposit machines ay nagpapahintulot sa mga Pinoy na ipalit ang kanilang barya para sa e-wallet credits, shopping vouchers o di kaya ay bank deposits.
Sa tulong nito, naibabalik sa sirkulasyon ang mga idle na barya at nakababawas sa gastusin sa muling paggawa ng mga ito.
Plano umano ng BSP na maging operational ang hanggang 50 makina hanggang sa susunod na buwan.
Kalahati nito ay ide-deploy sa Metro Manila habang ang kalahati pa ay sa ibang panig naman ng bansa. Plano na rin umano nilang dalhin ang programa maging sa Mindanao.
Upang maging mas episyente naman ang proyekto, balak ng BSP na makipagtuwang sa ilang financial institutions, upang mabigyan ang mga users ng mas maraming opsiyon sa pag-redeem ng kanilang account credits.
Una nang sinabi ng BSP Governor na ang mga naturang makina ay nangangailangan ng pagsasaayos, software upgrades at hardware modifications, gayundin ng ilang ulit na calibration at accuracy testing.
- Latest

















