3 bata todas sa napulot na bomba!

Pinaglaruan
ROXAS, Isabela, Philippines — Tatlong menor-de-edad ang nasawi habang lima pa ang sugatan kabilang ang 85-anyos na lola nang sumabog ang isang hinihinalang bomba na kanilang napulot at pinaglaruan sa Purok Raniag, Barangay Sinamar, Roxas, Isabela, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina John Mark M. Peralta, John Yohan J. Binuyat at Emmanuel C. Disamito.
Si Peralta, 8-anyos at Grade 3 learner na unang tinukoy sa alyas na “JM,” ay kabilang sa mga kritikal na nasugatan at kalaunan ay unang idineklarang patay sa ospital.
Batay sa paunang imbestigasyon, may ilang bata umanong nakapulot ng isang metal na bagay at pinaglaruan ito bago naganap ang pagsabog.
Ayon sa isang saksi, nakita niyang naglalakad ang mga biktima sa kalsada bago makarinig ng malakas na pagsabog at makita silang mga nakabulagta na sa lupa. Agad na isinugod ang mga biktima sa Manuel A. Roxas District Hospital para sa lunas pero magkakasunod na nasawi ang tatlong bata.
Patuloy namang inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan at pinagmulan ng nasabing metal na bagay na sumambulat.
Hindi pa matukoy ng pulisya kung granada o iba pang uri ng pampasabog ang nasabing bagay.
Patuloy ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya, habang pinaalalahanan ang publiko na huwag hawakan o lapitan ang anumang kahina-hinalang bagay at agad itong ireport sa mga awtoridad.
- Latest
























