Galit at stress ang nananaig
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po akong Aling Rosa. Sumulat ako dahil hindi ko na alam ang gagawin sa mister ko.
Sobrang tigas po ng ulo niya. Ilang buwan ko na siyang pinakiusapang magpa-check up dahil palaging sumasakit ang tiyan at mabilis siyang mapagod.
Ang laging katwiran niya, mawawala rin ‘to sa pahinga. Natatakot at nanghihinayang marahil siya sa gastos.
Dahil sa kapabayaan, mas lalong lumala ang sakit niya. Ngayon kailangan nang idirekta sa ospital. Nasasaktan ako na galit.
Galit ako dahil hindi siya nakinig, pero natatakot din akong mawala siya.
Dr. Love, paano ko po ba siya kakausapin nang hindi kami nag-aaway, at paano ko papatayin ang galit at stress sa puso ko?
Aling Rosa
Dear Aling Rosa,
Naiintindihan ko ang bigat ng iyong dinadala. Valid ang galit at pag-aalala mo. Ang ilan sa pwedeng makatulong sa inyo ay isaisip na unahin ang gamutan bago ang panunumbat. I-set aside muna ang “Sabi ko sa’yo, eh.”
Mas kailangan niya ang mabilis na pagpapagamot kaysa sa sermon. Tumawag ng tulong sa pamilya para maipasok agad siya sa ospital.
Kausapin mo siya mula sa pag-aalala. Kapag kumalma na ang lagay niya, sabihin mo, “Galit ako kasi natatakot akong mawala ka.”
Karaniwang takot sa gastos o takot sa malalang diagnosis ang dahilan ng lalaki. Iparamdam mong magkasama ninyong haharapin ito.
Huwag mo solohin ang stress, magpaalalay ka. Humingi ng tulong sa mga anak o kamag-anak sa pag-aalaga. Ipagdasal mo rin ang mga bagay na hindi mo na hawak.
Magpakatatag ka, Aling Rosa. Nawa’y maging aral na ito sa iyong mister na huwag ipagwalang-bahala ang kalusugan.
DR. LOVE
- Latest















