Pagtestigo ng AMLC exec pinayagan sa kabila ng pagkontra ng depensa
MANILA, Philippines — Pinayagan ng Senate impeachment court nitong Lunes ang pagtestigo ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga umano’y kahina-hinalang transaksyon na na-flag ng ahensiya at inuugnay kay Vice President Sara Duterte.
Sa inilabas na ruling ni presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero, hindi pinagbigyan ang mosyon ng kampo ni Duterte na ipagpaliban ang testimonya ni AMLC Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura.
Iginiit ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan na protektado ng confidentiality provisions ng batas ang mga financial record, partikular sa ilalim ng Section 2 ng Republic Act No. 1405 o Bank Secrecy Law.
Gayunman, sinabi ni Escudero na maaaring kilalanin, patotohanan at ipaliwanag ng AMLC witness ang mga ulat na nakasaad sa subpoena.
Kaagad na naghain ng mosyon si Vinluan matapos iharap ng prosekusyon ang offer of testimony. Binanggit niya ang Anti-Money Laundering Act of 2001, partikular ang Section 8-A, na nagsasaad na dapat pangalagaan ng AMLC at ng Secretariat nito ang lahat ng impormasyong nalalaman nila dahil sa kanilang tungkulin at hindi ito maaaring isiwalat.
Ayon kay Vinluan, ang naturang pagbabawal ay “absolute” at sumasaklaw kay Buenaventura kahit matapos pa itong humiwalay sa AMLC.
Iginiit din niya na walang nakasaad na eksepsyon para sa impeachment proceedings sa naturang probisyon. Sa kanyang pagtatapos, sinabi ni Vinluan na ang pagpapahintulot kay Buenaventura na tumestigo ay paglabag umano sa mga karapatan ni Duterte at tinawag niya ang hakbang na “reckless and abusive.”
Bilang tugon, binigyang-diin ni Divinagracia na may legal na batayan sa ilalim ng AMLC para maisiwalat ang ilang kumpidensyal na impormasyon sa mga kasong tulad ng impeachment.
Tinutulan din niya ang pahayag ng depensa na “absolute” ang pagbabawal sa ilalim ng Section 8-A ng AMLC.
- Latest























