Pangulong Marcos nasa China para sa APEC Summit

MANILA, Philippines — Lumipad patungong China si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang dumalo sa tatlong araw na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Sa kanyang departure statement, sinabi ng Pangulo na inimbitahan siya ni Chinese President Xi Jinping na makilahok sa APEC meeting na ginaganap sa Shenzhen, China mula Nobyembre 18 hanggang 19.
Ayon kay Marcos, hindi palalampasin ng kanyang administrasyon ang mga oportunidad na dulot ng patuloy na paglago ng mga ekonomiya ng APEC, na inaasahang lalago ng 3.7 porsiyento sa 2026, mas mabilis kumpara sa pandaigdigang ekonomiya.
“We will engage China constructively on expanding trade, investment, and people-to-people exchanges that benefit our peoples, even as we remain steadfast in upholding our national interest. Our message is clear: the Philippines is open for business. Invest in the Filipino,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na dadalhin ng delegasyon ng Pilipinas sa APEC Summit ang mga natamong tagumpay ng bansa sa pagpapalawak ng free trade network, na aniya’y pinakamalawak at pinakaaktibo sa kasaysayan ng bansa.
Dagdag niya, nakahanay sa pambansang development agenda ng gobyerno ang mga pangunahing tema ng APEC ngayong taon na pagiging bukas, inobasyon, at pagkakaisa.
Gagamitin aniya ng Pilipinas ang summit upang higit pang mapalakas ang ugnayang pangkalakalan sa mga kasaping ekonomiya at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan na lilikha ng dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
- Latest



















