EAC nakatikim na ng panalo
MANILA, Philippines — Apat na subok ang Emilio Aguinaldo College bago nakatikim ng panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament.
Nagpasiklab si Wilmar Oftana sa opensa upang tulungan ang EAC na ilista ang unang panalo matapos nilang payukuin ang San Sebastian College-Recoletos, 94-87 kahapon na ginanap sa Playtime FilOil Arena San Juan.
Tumikada si Oftana ng 18 points at siyam na rebounds para sa Generals na nilista ang 1-3 karta sa Group B habang bokya pa rin sa panalo ang Golden Stags sa apat na laro.
“I’m very glad with the first win but sa nakita ko, it was very tough,” sabi ni coach Jerson Cabiltes. “Sa lahat ng games namin, first to third, we’re in the game and then we collapse in the fourth. This time, ‘di nangyari ‘yon.”
Lamang ng 10 puntos ang Generals sa simula ng fourth period, 78-68, subalit naging kapana-panabik ang laban matapos ibaba ng Stags ang hinahabol sa isa, 83-82, may 5:46 na lang ang nalalabi sa laro.
Hindi naman nasira ang loob ng EAC, sumalpak si EJ Castillo ng limang puntos, para ibalik sa anim ang kanilang lamang, 88-82, may 4:37 pa sa orasan.
Humabol at dumikit muli ang Stags sa dalawang puntos, 86-88, ngunit nagsagawa ang EAC ng 6-1 run sa pagtatapos ng laro upang tuluyan ng pasukuin ang Baste.
Tulad ni Oftana, 18 puntos din ang tinikada ni Jacob Shanoda para sa Generals.
Samantala, umakyat sa tuktok ng team standings ang Jose Rizal University matapos pasabugin ang Lyceum, 94-69 sa ikalawang laro.
- Latest




















