VP Sara pinalusot sa ‘mugshot’, PNP binira sa ‘special treatment’
MANILA, Philippines — Binatikos ni House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon ang Philippine National Police (PNP) matapos palusutin o hindi na isailalim sa mugshot at iba pang “booking procedure” si Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Ridon na may “special treatment” umano ang PNP kay VP Sara dahil si Senador Rodante Marcoleta ay isinailalim sa “booking procedure” kabilang ang “mugshot” kung saan pinagdaanan itong lahat ng huli.
Binigyang diin ni Ridon na dapat patas ang batas sa proseso para sa lahat ng akusado, ordinary mang mamamayan, senador at maging Bise Presidente.
Nitong Sabado, nagtungo mismo si VP Duterte sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) para maglagak ng piyansa matapos mag-isyu ang QCRTC Branch 98 ng warrant of arrest noong Biyernes laban sa kanya sa kasong 3-counts ng grave threat dahil sa pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Walang naganap na pag-aresto at malayang nakapagpiyansa ang Bise Presidente ng P120,000 sa bawat bilang ng naturang kaso o kabuuang P360,000.
Binigyang diin ni Ridon, isang abogado na si Marcoleta bagaman sumuko sa Sandiganbayan ay masusing isinailalim sa “mandatory at standard criminal booking process’ kabilang na ang pagkuha ng booking photograph o mugshot.
“Kapag ordinaryong akusado ang sumasailalim sa booking process may mugshot pero kapag Bise Presidente ang akusado , biglang walang mugshot “, ani Ridon na sinabing sablay na sablay ang PNP sa pagtrato sa mga inaaresto dahilan tila may VIP aniya kapag Bise Presidente.
Pinasaringan din ni Ridon si VP Sara na tigilan na ang drama sa takot nito sa kaniyang buhay at maging ng kaniyang pamilya matapos na maisyuhan ng warrant of arrest.
- Latest























