VP Sara, ipinapaaresto ng QC-RTC sa kasong grave threats

MANILA, Philippines — Nag-isyu na nitong Biyernes ng arrest warrant ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban kay Vice Preident Sara Duterte kaugnay ng kinakaharap niyang kasong grave threats matapos na umano’y pagbantaan ang buhay nina Pang. Ferdinand Marcos Jr.; First Lady Liza Marcos, at pinsang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Mismong ang abogado ni VP Sara na si Atty. Paul Lawrence Lim ang nagkumpirma kahapon sa media hinggil sa pagpapaaresto ng hukuman sa bise presidente.
Kasabay nito, tiniyak naman ng abogado na walang intensiyon si VP Sara na takasan ang batas.
Siniguro rin nila na gagawin ang lahat ng legal na remedyo kaugnay ng naturang kaso kabilang na ang paglalagak ng piyansa.
Matatandaang sinampahan ng tatlong bilang ng kasong grave threats si VP Sara matapos sabihin sa isang online press conference na may kinausap na siyang tao na papatay kina Pang. Marcos, sakaling may mangyari sa kanya.
Nilinaw pa niya na hindi biro ang kanyang sinabi o, ‘no joke, no joke.’
Sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) spokesperson Raphael Martinez na nagtakda ang hukuman ng piyansang P120,000 para sa bawat bilang ng kasong grave threats na kinakaharap ng bise presidente.
Ibinasura rin aniya ng Quezon City RTC Branch 98 ang apela ng kampo ni VP Sara na ipagpaliban muna o bawiin ang anumang warrant laban sa kanya.
- Latest






















