Vice mayor timbog sa pagpatay sa solo parent!

MANILA, Philippines — Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang isang incumbent vice mayor na wanted sa kasong murder at frustrated murder sa isinagawang operasyon sa Crystal Inn, Brgy. San Miguel, Iligan City, Lanao del Norte nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 10 Director P/Brig. Gen. Christopher Abrahano, kinilala ang nasakoteng suspect na si Vice Mayor Ali Eskandar Unte Alonto III alyas “Bimmy Alonto,” 36-anyos , may-asawa at residente ng Brgy. Campong, Inudaran, Marantao, Lanao del Sur.
Bandang alas-8:45 ng gabi nang masakote si Vice Mayor Alonto ng pinagsanib na mga intelligence operatives at tracker team ng Iligan City Mobile Force Company (ICMFC) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Mark Kenneth Salvacion sa Crystal Inn ng nasabing lugar.
Ang suspect ay No. 1 most wanted sa bayan ng Marantao, No. 4 Regional level most wanted at No. 3 Provincial level most wanted sa tala ng PNP sa kasong murder at frustrated murder.
“The vice mayor is the subject of an arrest warrant for a case of murder with no bail recommended, and a separate case of frustrated murder with P200,000 bail. Both were issued by Hon. Jamel Tabao Mamutik, Presiding Judge of RTC [Regional Trial Court], Branch 44, Initao, Misamis Oriental,” ayon sa PNP.
Ang bise alkalde at aide nito ay akusado sa pagpatay sa isang ginang na solo parent at malubhang pagkasugat ng isa pang babae sa Initao, Misamis Oriental noong Pebrero 16 ng taong ito kung saan lumilitaw na personal na galit ang motibo ng krimen. Ang mga akusado ay positibong itinuro ng survivor.
- Latest





















