4 Chinese tiklo sa cyber fraud sa Muntinlupa

MANILA, Philippines — Apat na Chinese nationals na umano’y sangkot sa cyber fraud ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa operasyon sa Montillano St., Alabang, Muntinlupa City noong Setyembre 4, 2026.
Kinilala ang mga inaresto na sina Qiao Zhong, 30, undocumented; Tang Ke, 31, at Liu Peng, 35, kapwa overstaying; at Zhang Caiyu, 42, overstaying, may blacklist order at dating POGO worker.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y patuloy na POGO-related activities sa lugar. Naglabas si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ng mission order para beripikahin ang ulat at magsagawa ng kaukulang aksyon.
Sinabi ni Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Sy, naabutan umano sa aktong sangkot sa cyber fraud ang apat nang isagawa ang operasyon.
Bahagi ang pagkakaaresto sa pinaigting na kampanya ng BI laban sa mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa POGO at mga dayuhang sangkot dito. Pinuri naman ni Viado ang FSU sa mabilis na pagkilos.
- Latest


















