^

Punto Mo

EDITORYAL — Social Media Platform Franchise Act

Pang-masa

PARA sa nakararaming Pilipino, sa social media nanggagaling ang balita, komunikasyon at kabuhayan. Ngunit kasabay ng paglaki ng implu­wensiya ng social media, dumami ang problema dahil sa mapaminsalang content, misinformation at online exploitation.

Dahil sa problemang ito, isinulong ang panukalang House Bill 4786 (Social Media Platform Franchise Act) na naglalayong ituring na public service ang malalaking social media platform at obligahing kumuha ng congressional franchise bago makapagpa­tuloy ng operasyon sa bansa.

Suportado ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na nagsasabing mahirap papanagutin ang mga kompanyang nakabase abroad pagdating sa content moderation, reklamo ng consumers at data privacy.

Open ang Malacañang ukol dito. Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, dahil maaari nitong bigyan ang gobyerno ng mas malinaw na jurisdiction sa social media, bagaman kailangan pang suriin ng Presidente ang mga bersiyon nito bago tuluyang mag­pasya ang administrasyon.

May malinaw namang dahilan kung bakit nais higpitan ang regulasyon: ang pagkalat ng violent content, livestreaming ng karahasan, at mga panganib sa kabataan na tinutugunan din ng kaakibat na Digital Safety of Minors Act.

Ngunit ibang usapin kung congressional franchise nga ba ang tamang paraan.

Noong Hulyo 10, 2020, bumoto ang House of Rep­resentatives, 70-11, upang tanggihan ang bagong prankisa ng ABS-CBN, pinakamalaking network noon. Ilang buwan bago pa noon, pinatigil na ng NTC ang operasyon nito matapos mag-expired ang lumang prangkisa. Humigit-kumulang 11,000 empleyado ang naa­pek­tuhan, at milyun-milyong Pilipino sa malalayong lugar ang naiwan nang walang access sa balita sa gitna ng pandemya. Naging kontrobersiyal din ang proseso dahil sa mga alegasyon na may halong pulitika at personal na alitan ang franchise battle. Anuman ang tingin sa naging desisyon noon, ipinakita nito kung gaano kalaki ang kapangyarihan ng Kongreso kapag ang operasyon ng isang media organization ay nakasalalay sa legislative franchise.

Kung kayang nakasalalay sa boto ng mga mambabatas ang pagpapatuloy ng isang major broadcaster, mahalagang itanong kung ano ang magiging epekto kapag ang parehong kapangyarihan ay inilapat sa Facebook, TikTok at iba pang platform na ginagamit araw-araw ng milyun-milyong Pilipino.

Kaya ang mahalagang tanong ay hindi kung dapat bang papanagutin ang social media platforms. Dapat. Ang kailangang pagdebatehan ay kung paano ito gagawin nang hindi nalalagay sa panganib ang malayang daloy ng impormasyon at hindi nabibigyan ng sobrang kapangyarihan ang pulitika sa digital space.

SOCIAL MEDIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with