Hatol sa Sara trial target sa Nobyembre – Gatchalian

MANILA, Philippines — Target ng Senate impeachment court na ilabas ang desisyon nito sa kaso ni Vice President Sara Duterte bago matapos ang Nobyembre, ayon kay Senate President at senator-judge Sherwin Gatchalian nitong Linggo.
Ayon kay Gatchalian, sa tingin niya ay aabutin na lang ng 30 hanggang 45 araw ang pagdinig bagaman at magkakaroon ng dalawang linggong break ang Senado sa huling bahagi ng Oktubre.
“Ako personally, baka we need mga 30 to 45 days from now… Ang isyu lang, magkakaroon kami ng 2-week break sa end of October. Hopefully within 30 to 45 days (calendar days),” ani Gatchalian sa Super Radyo dzBB.
“Siguro mga mid-November to end of November [posibleng matapos ang impeachment trial at makapaghatol kay VP Duterte]. Tingin ko,” dagdag niya.
Katulad ng unang inihayag ng tagapagsalita ng impeachment court na si Reginald Tongol noong Biyernes, inulit ni Gatchalian na layunin nilang matapos ang impeachment proceedings bago ang Pasko.
Pero maaari aniyang mas maaga itong matapos dahil sa mga pagbabagong isinagawa kamakailan.
“Marami kasing pagbabago. Una sa lahat, bumilis… Pangalawa, maraming testigo ang tinanggal at nagbigay ng mas mahabang oras ang impeachment court,” aniya.
Kasalukuyang tinatalakay ng Senate impeachment court ang Article 2 ng Articles of Impeachment na tumutukoy sa hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
- Latest






















