Diesel, gasolina may P3 tapyas

MANILA, Philippines — Asahan na ang panibagong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa pagtaya ng isang oil industry source gamit ang Platts Singapore trading at foreign exchange averages ngayong linggo, posibleng bumaba ng P3.00 hanggang P3.50 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina.
Gayunman, hindi pa kabilang sa pagtatayang ito ang ocean freight at insurance costs.
Ayon sa source, nanatiling mababa ang presyo ng langis dahil sa inaasahang pagdami ng suplay sa pandaigdigang merkado, habang patuloy ring lumuluwag ang suplay ng gasolina at diesel sa rehiyon dahil sa pagtaas ng exports ng China.
Samantala, sinabi ng Department of Energy (DOE) na maaaring maglaro sa P1 hanggang P2 kada litro ang bawas-presyo sa unang linggo ng Disyembre.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, ito ang pinakaligtas na pagtataya sa ngayon batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS), bagama’t maaari pa itong magbago depende sa trading sa Biyernes.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang pinal na price adjustment tuwing Lunes at ipinapatupad ito kinabukasan, Martes.
- Latest

















