Cargo vessel ng toneladang soya, sumadsad sa Leyte
MANILA, Philippines – Isang cargo vessel na may lulang mahigit sa 1,800 metriko toneladang soya ang sumadsad sa Tood Islet sa Matalom, Leyte, kamakalawa.
Dahil dito, kaagad na nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng rescue team at naghanda ng mga kagamitan upang maiwasan ang posibleng oil spill.
Ayon sa PCG, ang MV GY Antares, na inu-operate ng GY Shipping Lines Inc., ay naglalayag mula sa Lapu-Lapu City sa Cebu, patungong Cagayan de Oro City nang sumadsad ito habang nilalakbay ang karagatan malapit sa islet.
Lumitaw sa inisyal na ulat, ang malakas na westerly currents at low-tide conditions ang ilan sa naging sanhi ng insidente habang nagmamaniobra ang barko upang bigyang-daan ang isa pang barko at ilang mga bangkang pangisda.
Kaagad ding nag-dispatch ang Coast Guard Station Southern Leyte ng PCG ng search at rescue personnel, marine environmental protection teams, at mga miyembro ng kanilang Special Operations Unit upang i-assess ang sitwasyon at asistihan ang barko.
Tiniyak naman ng PCG na ang lahat ng 19 tripulante ng barko na pawang Pinoy, kabilang ang master nito na si Capt. Wilson Dolar, ay nasa ligtas na kondisyon.
Sa inisyal na inspeksiyon, wala naman umanong nakitang visible damage sa hull ng barko, walang nakapasok na tubig, at wala rin namang indikasyon nang pagtagas ng langis.
Nabatid na ang barko ay may lulan ding tinatayang 18,169 litro ng diesel, 194 litro ng lubricating oil at 216 litro ng hydraulic oil, kaya’t kaagad na nag-antabay ang PCG ng oil spill response equipment.
Nang mag-high tide, gumalaw umano ang barko ng tatlong metro mula sa orihinal na grounding position nito.
Nagpahayag naman na ng intensiyon ang master ng barko na tangkaing i-refloat ito sa mga susunod na high tide.
- Latest

















