UP didiretso sa 7 vs Ateneo
MANILA, Philippines — Pakay ng University of the Philippines na pahabain ang kanilang winning streak sa pito sa pagharap nila sa karibal na Ateneo de Manila University sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.
Nakatakda ang riot ng UP at Ateneo sa alas-6 ng gabi matapos ang bakbakan sa pagitan ng Adamson at UE sa alas-2:30 ng hapon.
Maliban sa asam na panalo, nais din ng Fighting Maroons na palakasin ang kapit sa tuktok ng team standings na kasalukuyang hawak ang 8-2 karta.
Muling ipaparada ng UP ang tigasin nilang player na si Noy Remogat upang itumba ang kapwa taga-Katipunan na ADMU.
Pero kahit nangunguna sila sa team standings ay hindi pa kuntento ang mga bataan ni coach Goldwin Monteverde.
Mahalaga ang panalo para sa Fighting Maroons dahil lalapit sila sa twice-to-beat advantage sa Final Four.
- Latest
















