^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Problema sa social media

Pilipino Star Ngayon

Hindi na simpleng libangan ang social media­. Para sa milyun-milyong Pilipino, dito nang­gagaling ang balita, komunikasyon at kabuhayan. Ngunit kasabay ng paglaki ng impluwensiya nito ang pagdami ng problema sa mapaminsalang content, misinformation at online exploitation.

Dito nag-ugat ang panukalang House Bill 4786 (Social Media Platform Franchise Act) na naglalayong ituring na public service ang malalaking social media platform at obligahin silang kumuha ng congressional franchise bago makapagpatuloy ng operasyon sa bansa.

Suportado ito ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na nag­sasabing mahirap papanagutin ang mga kom­panyang nakabase sa ibang bansa pagdating sa content moderation, reklamo ng consumers at data privacy. Bukas din ang Malacañang, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dahil ma­aari nitong bigyan ang gobyerno ng mas malinaw na jurisdiction sa social media, bagaman kailangan pang suriin ng Pangulo ang mga bersiyon nito bago tuluyang magpasya ang admi­nistrasyon.

May malinaw namang dahilan kung bakit nais higpitan ang regulasyon: ang pagkalat ng violent content, livestreaming ng karahasan, at mga panganib sa kabataan na tinutugunan din ng kaakibat na Digital Safety of Minors Act.

Ngunit ibang usapin kung congressional fran­chise nga ba ang tamang paraan.

Noong Hulyo 10, 2020, bumoto ang House of Representatives, 70-11, upang tanggihan ang bagong prangkisa ng ABS-CBN, ang pinakama­laking network noon. Ilang buwan bago pa noon, pinatigil na ng NTC ang operasyon nito matapos mag-expire ang lumang prangkisa. Humi­git-kumulang 11,000 empleyado ang naapek­tuhan, at milyun-milyong Pilipino sa malala­yong­ lugar ang naiwan nang walang access sa balita sa gitna ng pandemya. Naging kontro­bersiyal din ang proseso dahil sa mga alegas­yon na may halong pulitika at personal na alitan ang franchise battle. Anuman ang tingin sa naging desisyon noon, ipinakita nito kung gaano kalaki ang kapangyarihan ng Kongreso kapag ang operasyon ng isang media organization ay nakasalalay sa legislative franchise.

Kung kayang nakasalalay sa boto ng mga mambabatas ang pagpapatuloy ng isang major broadcaster, mahalagang itanong kung ano ang magiging epekto kapag ang parehong kapangyarihan ay inilapat sa Facebook, TikTok at iba pang platform na ginagamit araw-araw ng milyon-milyong Pilipino.

Kaya ang mahalagang tanong ay hindi kung dapat bang papanagutin ang social media platforms. Dapat. Ang kailangang pagdebatehan ay kung paano ito gagawin nang hindi nalalagay sa panganib ang malayang daloy ng impormasyon at hindi nabibigyan ng sobrang kapangyarihan ang pulitika sa digital space.

SOCIAL MEDIA­

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with