^

Police Metro

Torre mag-leave o magbitiw

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Kung ordinaryong motorista ang nahuli sa maling paggamit ng linya, may pekeng plaka, o lumabag sa mga panuntunan sa kalsada, mabilis ang aksyon ticket, impound, multa, kaso, at kung minsan, isang malaking dagok sa bulsa at kabuhayan.

Pero kapag mataas na opisyal ang nasangkot sa isang kontrobersiya, iba ba ang timbangan?

Ito ang tanong na bumabagabag ngayon sa madlang Pinoy matapos masangkot ang sasakyang inuugnay kay MMDA General Manager Nicolas Torre III sa isyu ng pagpasok sa EDSA Busway at paggamit ng plakang sinasabing hindi tugma sa sasakyan.

Hindi maliit na bagay ang ganitong usapin. Ang EDSA Busway ay ginawa para sa pampublikong transportasyon at sa mga pasaherong araw-araw nakikipagsiksikan, nakikipag-unahan sa oras, at nagtitiis sa mahabang biyahe para lamang makapasok sa trabaho.

Kaya kapag may ordinaryong drayber na sumingit o gumamit ng lugar na bawal, siguradong sasabihin sa kanya: “Bawal ’yan. Sumunod ka sa batas.”

At tama naman!  Pero dapat ganoon din ang pamantayan kapag mataas na opisyal ang sangkot.

Hindi dapat may “VIP treatment” sa batas trapiko. Hindi porke’t may posisyon, koneksyon o kapangyarihan ay puwedeng lumusot sa butas ng sistema. Sa kalsada, dapat pantay ang timbangan mayaman man o mahirap, may ngipin o wala, bakla o tomboy, opisyal man o karaniwang Juan.

Hindi rin naman sinasabing guilty na agad si Torre. Dapat matapos ang imbestigasyon at marinig ang lahat ng panig. Ngunit bilang isang mataas na opisyal ng MMDA, hindi ba mas makabubuting mag-leave muna siya habang nililinaw ang buong usapin?

Hindi ito simpleng drama sa pulitika. Ito ay tungkol sa tiwala ng publiko.

Dahil paano natin pagsasabihan ang isang jeepney driver, delivery rider, bus driver o ordinaryong empleyado na “sumunod ka sa batas,” kung may impresyon na kapag makapangyarihan ang nasa likod ng manibela, puwedeng iba ang trato?

Ang mga nasa laylayan ay walang abogado na laging nakaabang, walang koneksyon sa loob ng gobyerno, at walang puwang para sa palusot kapag nahuli. Isang violation lang, puwedeng ma-impound ang sasakyan at mawalan ng kita.

Kaya kung seryoso ang MMDA sa pagpapatupad ng batas, dapat unang makita sa kanilang mga pinuno ang halimbawa.

Sa huli, hindi lang plaka o busway ang pinag-uusapan dito.  Ang tunay na tanong -  Pantay ba talaga ang batas para sa lahat? 

At kung may duda sa sagot, baka panahon nang ipakita ng isang opisyal na mas mahalaga ang pananagutan kaysa sa upuan.

 

NICOLAS TORRE III

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with