Reklamo ng mister ni VP Sara vs solons, ibinasura ng piskalya
MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Quezon City Office of the City Prosecutor ang pagbasura sa reklamong kriminal na inihain ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga opisyal ng pamahalaan kaugnay ng pagbubunyag sa bank records nilang mag-asawa.
Ayon sa abogado ni Caprio na si Atty. Peter Paul Danao, tanggap nila ang naging resolusyon ng QCPO nitong Setyembre 7 sa pagbasura sa reklamo dahil na rin sa kawalan ng hurisdiksyon.
Gayunman, iginiit ni Danao na hindi ito nangangahulugan na pinal na paghatol sa merito ng mga alegasyon ni Carpio.
Aniya, hinihintay pa nila ang opisyal na kopya ng resolusyon at pinag-aaralan ang mga susunod na legal na hakbang.
Sinabi rin ni Danao na maaari pa ring muling ihain ni Carpio ang reklamo sa Office of the Ombudsman na tinukoy ng QC prosecutor bilang tamang forum dahil sa usapin ng hurisdiksyon.
Naghain ng reklamo si Carpio noong Abril laban sa ilang mambabatas, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. at Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura matapos ibunyag sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga transaksyong pinansyal na iniuugnay sa mag-asawang Duterte-Carpio.
Ayon sa AMLC, may mga “suspicious” at “covered” bank transactions na umaabot sa P6.77 bilyon na iniugnay kina Duterte at Carpio sa loob ng halos 20 taon.
Ikinatuwa ng mga respondent ang rekomendasyon ng pagbasura at iginiit na bahagi ng tungkulin ng House committee ang pagbubunyag ng naturang impormasyon.
- Latest


















