Quizon kampeon sa Bangkok Summer Open

MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas ang mga Pinoy woodpushers sa ibang bansa matapos sikwatin ni Grand Master Daniel Quizon ang titulo sa katatapos na 2nd Bangkok Summer International Chess Open - Standard na nilaro sa Royal Benja Hotel, Bangkok, Thailand kahapon.
Nakipaghatian ng puntos ang 21-anyos na si Quizon kay International Master Michael Concio Jr. matapos ang 23 moves ng King’s Indian sa ninth at final round upang ilista ang 7.5 points sapat upang masilo ang titulo.
Apat na woodpushers ang may tig-pitong puntos, ito’y sina GM Timur Gareyev, IM Iljva Grigorjev na mga FIDE players, Concio at Pinoy FM Alekhine Nouri.
Subalit matapos ipatupad ang tie break points ay nakopo ni Gareyev ang second place at third naman si Concio sa event na may nine round swiss system at ipinatupad ang time format na 90 minutes plus 30 seconds increment kada tira.
Bago lumaro si Quizon sa Round 9 ay tinalbos muna nito si Gareyev sa 60 moves ng Sicilian.
May tsansa sanang makuha ng Filipino chessers ang 1, 2 at 3 punch kung nanalo sana si Christian Gian Karlo Arca kay Gareyev.
Pang fifth place si Nouri na tinalo si WIM Hanh An My Nguyen ng Vietnam sa 48 sulungan ng Sicilian defense.
- Latest






















