CHEd inaasikaso na ang scholarship ng mga anak ng nasawi at umuwing OFWs sa Israel
MANILA, Philippines — Tulong pang-edukasyon na ipagkakaloob sa mga anak ng mga nasawing Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Israel, gayundin yaong mga na-repatriate o umuwi sa bansa matapos na maipit sa kaguluhan doon ang inaayos na ng Commission on Higher Education (CHEd).
Nakikipag-ugnayan na ang CHEd at Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng mga nasawing Pinoy para sa pagpapatuloy ng edukasyon ng kanilang mga anak na kuwalipikado sa programa.
Ito ay bahagi anila ng bilin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ipagkaloob ang lahat ng mga pangangailangan ng mga pamilya ng mga biktima, kasama na rito ang scholarship program para sa mga naulilang anak ng mga ito.
Nabatid na isasagawa ang pagtulong sa pamamagitan ng Universal Access to Quality Tertiary Education, gayundin sa pamamahagi ng Tertiary Education Subsidy.
Tiniyak naman ng CHEd na hindi lamang ang mga pamilya ng mga namatay na OFWs ang bibigyan nila ng tulong pang-edukasyon, kundi maging ang mga anak ng mga OFWs na-repatriate mula sa Israel.
Sa ngayon ay inaalam na rin umano ng CHEd ang bilang ng mga anak ng mga naturang OFWs, na nasa kolehiyo, gayundin ang kanilang lokasyon upang mapagkalooban ng kaukulang tulong sa pamamagitan ng kanilang mga regional offices.
- Latest















